Quantcast
Channel: Rebyu – Pinoy Weekly
Viewing all 35 articles
Browse latest View live

Makatotohanang sulyap

$
0
0

I.Puting Baboy Ramo, Imperyalismo

Nagsimula ang pelikula sa isang lumang kuwento ng mga Manobo: Minsa’y may dumating na ilegal na mga mangtotroso sa lugar nila. Naging dahilan ito ng pagkatakot ng mga Manobo at makaranas ng matinding gutom. Umalis ang mga mangtotroso. Dali-dali nagsilabas ang mga Manobo para manghuli ng makakain sa gubat, at nang makakita sila ng isang higanteng puting baboy ramo’y agad nila itong pinana. Sa kanilang gutom, agad na tinadtad at pinaghati-hati ito para sa lahat. Doon lamang nila napansin na ang puting baboy-ramo na kanilang nahuli’y hindi hayop kundi isa sa mga mangtotroso. Mula noo’y tinawag silang “Sagasa.”

Sa unang bahagi pa lamang ng pelikula’y tinukoy na ang isa sa mga salik na problema ng lipunang Pilipino.

II.Militarisasyon at Pagmimina

Ang Tu Pug Imatuy ay isang bintana kung saan pinasisilip ang manonood sa kalagayan ng mga Lumad sa Mindanao na nasa gitna ng militarisasyon at walang habas na pagmimina.

Umikot ang istorya sa isang pamilyang Manobo. Si Dawin ang ama at asawa ni Obunay, na pinilit ng militar na magsilbing giya upang matunton ang hinahanap nila — ang mga gerilya ng New People’s Army o NPA. Isa sa tampok na mga eksena ang pagsaboy ng militar sa daan ng dalang munggo ni Dawin at pinabilang sa kanya nang isa-isa. Sumabat ang anak ni Dawin na si Ilyan, at sinabing hindi marunong magbilang ang kanyang ama.

Humagalpak ng tawa ang militar at pakutyang tinignan ang mag-anak. Mayroon ding eksenang pilit hinubaran ang mag-asawa at sapilitang pinagtalik sa harap ng mga militar. Sa isang sapa, ipinikita rin ang pagpapaagos sa kanilang katutubong kasuotan habang nagtatawanan ang mga militar–simbolo ng pagkawasak ng kanilang dignidad bilang katutubo sa kamay ng mga militar.

Tumatak din ang isang eksena kung kailan itinanong ni Ilyan (anak ni Dawin at Obunay) sa kanyang ama kung ano ang kanyang nakitang “backhoe.” Sinagot ito ni Dawin na “gamit iyan sa pagmimina.” Repleksiyon ito na ang katutubo’y hindi sanay makakita ng mga teknolohiyang ginagamit ng mga dambuhalang kompanyang pangmina.

unnamed (7)

 

III.Mabagal at Sinsero

Mabagal ang pagkakaputol ng mga eksena, mula sa mga eksena ng malalagong kagubatan, lambak, at talon, hanggang sa mga takbuhan at makapigil-hiningang mga engkuwentro.

Ang kabagalan din ng istorya ang nagtitiyak na hihintayin ng manonood ang pag-inog nito. Gumamit si Arbi Barbarona ng epektibong mga anggulo ng kamera upang maipakita ang emosyon ng kanyang karakter nang hindi masyadong gumagamit ng diyalogo–mula extreme close-up para ipakita ang mensahe sa pamamagitan ng mga mata ng karakter (tulad nang patayin ng isang sundalo si Dawin, na sa halip na magsisigaw), extreme close-up ang ginamit ni Barbarona upang ipakita ang luhang tumutulo sa mga mata ni Obunay, habang nakatali ang dalawang kamay niya.

Follow shot naman ang ginamit para ipadama sa mga manonood ang kaba ng pakikipaghabulan sa gubat. Nang matunton ng mga militar ang kanilang mga hinahanap ay nagkaroon ng engkuwentro. Nagkaroon din si Obunay ng pagkakataong tumakas.

Ang huling eksena’y muling pagtatagpo ng inang si Obunay at ng kanyang dalawang naiwang anak– silhouette ang eksena at hugis lang ng tatlong karakter ang makikita, habang nasa background ang kabundukan, Tila sinasabi nitong gaano man kahaba at kasalimuot ang laban ng katutubo, makakabalik pa rin sila sa kanilang lupang ninuno.

Hindi propesyunal na mga aktor ang kabilang sa pelikula. Pero madarama ang sinseridad ng kanilang karakter. Marahil, ito’y dahil sila mismo sa tunay na buhay ay nakaranas o nakararanas ng pagsasamantalang ginawa sa mga karakter nilang ginampanan sa pelikulang ito.

IV.Pangayaw, Rebolusyon

Ang Tu Pug Imatuy ay hango sa tunay na buhay ni Obunay, na sa huli’y ipinakita ang testimonya noong siya’y sapilitang dinakip ng mga militar at ginawang giya.

Matagal nang nilalabanan ng mga Lumad ang pandarambong sa kanilang yutang kabilin (lupang ninuno), mula sa pagdedeklara ng pangayaw (deklarasyon ng mga Lumad ng giyera laban sa pandarambong ng kanilang lupang ninuno) hanggang sa pagsanib sa armadong pakikibaka ng rebolusyonaryong NPA.

Ang pelikulang ito’y hindi lang pelikulang pagkatapos panoori’y hahayaang sumimsim sa kamalayan. Ang naratibo ng pelikula’y nagpapatuloy, hindi nga lang sa pinilakang tabing ngunit sa mga kabundukan ng Mindanao, at sa mga bayan ng mga sa aking palagay, ay ang mga tunay na Pilipino — ang mga Lumad.


 


Alamat ng Hustisya sa Tu Pug Imatuy (The Right to Kill)

$
0
0

Palaisipan ng isang millennial: ano ang karapatan ng mga militar upang maghasik ng takot sa mga bata at guro; mang-agaw ng pagkain at tirahan sa dukhang mag-anak; mang-abuso sa kababaihan; at mangdukot, mangtortyur at pumaslang ng magsasaka? At ano naman ang karapatan ng Bagong Hukbong Bayan (NPA) upang umanib sa kabundukan, maglunsad ng digmang bayan, at ipatupad ang hustisya para sa inaaping katutubo?

tuBinubuksan ng pelikulang, Tu Pug Imatuy (The Right to Kill) ang magkabilaang katanungan sa pamamagitan ng kontemporaryong kuwentong Manobo, ang Alamat ni Sagasa. Sang-ayon sa kuwento na salin ni Dawin (Jong Monzon), ang katutubong ninuno ay namumuhay nang payapa at ligtas katuwang ang kalikasan. Mahusay siyang manghuli ng baboy ilahas bilang pagkaing pinagsasaluhan ng pamayanan. Matapos ang matinding kagutuman dahil sa malawakang pagtrotroso, isang araw ay nagulat ang pamayanan sa sadyang pagkahuli at pagkabitag ng isang makinador ng chainsaw. Bagamat nagdiwang, kinailangang magtago ng katutubong Manobo na mula noon ay binansagang Sagasa. Pinaniniwalaang nanatili siya sa kaibuturan ng kabundukan bilang Diwata o Bathalang Tagapagbantay.

Ang nilahad na alamat ay mistulang babala sa sinumang nanghihimasok sa katutubong pamayanan gaya ng burukrata o dayuhang konsensonaryo sa pagtrotroso at korporasyon ng mina.

Ang kuwento ay nagiging buhay na karanasan ni Obunay (Malona Sulatan), isang ina. Mula sa simpleng gayak sa piling ng mga puno, batis, ilog at talon kasama ng kanyang asawang si Dawin at ng kanilang tatlong anak, iniimbita ang mga manunood sa isang paglalakbay. Sa bawat hakbang at panibagong paghari ng buwan sa lakbayang ito ay mauunawaan ang masalimuot na buhay ng Lumad hatid ng komplikasyon ng pagkagahaman ng iilan sa kapangyarihan at pangangamkam sa yutang kabilin (lupang ninuno).

Sa unang insidente, ang pagkamatay ng bunso na si Awit ay hudyat ng dahilan ng pakikibaka ng mga katutubo para sa sustenableng pagkain at nutrisyon. Ang lehitimong dahilan na ito ay walang saysay para sa mga mersenaryo gaya nina Tinyente Olivares (Luis Georlin Banaag III) at Sarhento Villamor (Jamee Rivera). Higit na mahalaga para sa mga bayarang sundalo ang mahanap ang kuta ng NPA kaysa pakinggan ang konkretong problema ng mga katutubo. Dinukot ang walang malay na ina at ama, hinayupak na pinagtripan at sa huli ay kinaibigan upang maging giya sa malawak na tereyn. Liban sa pisikal at sikolohikal na pasakit, ang pinakamapait sa internal na pakiramdam ng magulang ay ang maipagkait sa kanila ang pagkalinga sa kanilang mga anak laluna sa panahon ng pagluluksa at kagutuman.

Sa hugot na ito namumuhunan ng lakas si Obunay upang manatiling alisto. Sa pamamagitan ng talas ng tingin at mabudhing pag-iyak, tahasang naipahayag ni Sulatan ang kimkim na ngalit at suklam ng isang babae, ina at katutubo laban sa mga mangingindap-mangagahasang militar. Ang nag-aalburotong katahimikan ay mahusay niyang pinasabog bilang isang tipo ng expresyon nang may komprehensibo ngunit lihim na pagsusuri sa obhetibong kalagayan ng inosenteng mamamayang sapilitang ikinulong at mekanisadong hinulma upang mang-ahas sa kapwa. Ang bulok na estilong ito ay kabisado na ng mga detenidong pulitikal mula pa sa mga aral ng panahon ng panunupil ng Espanya at Amerika hanggang sa panahon ng Batas Militar ni Marcos at ng sumunod na mga rehimen.

Binabalewala ng mga militar ang kapangyarihan ng babae na umaklas sa anumang mapagkubabaw na pagturing. Naging suwabe para kay Obunay ang mailigtas ang guro at estudyanteng mga bata at kananayan na ginawa ring bihag ng pulpol na iskuwad. Ang mga militar mismo ay naniniwalang hindi naaabot ng serbisyong gobyerno ang mga liblib na lugar kaya wagas nitong dinedeklara na handog ng NPA ang paaralan sa pamayanang bundok.

Bakit nga ba takot ang gobyerno/militar na matuto ang katutubo na magbasa, magsulat, magbilang at maunawaan ang kasaysayan ng pakikibaka, gaya ng halimbawa, laban sa imperyalismo? Hindi na ito isang palaisipan, bagkus ay nakakatawang katarantaduhan.

Ang pag-atake sa mga paaralan at pagtransporma rito bilang detatsment ay paglabag sa unibersal na polisiyang itinakda ng Pambansang Nagkakaisang Prente (NDF) at ng United Nations: na ang paaralan ay marapat lamang na manatiling ligtas na sanktuwaryo sa gitna ng armadong tunggalian. Ipinakita ng pelikula ang reyalidad ng paglabag na ito na ibayong lumala sa pakanang Oplan Bantay Laya I at II ng dating Pang. Gloria Macapagal Arroyo at Benigno Aquino III. Hinihiling ng sitwasyon ang pagkaroon ng komunidad ng inobasyon upang manatiling buhay. Taliwas sa malisya ng militar na ang hukay sa loob mismo ng pinagtagping paaralan ay pakana ng NPA, sa aktuwal ito ay paunang-taguan ng mga mag-aaral sa tuwinang pagtukmu-tukmong pambobomba sa kabundukan kaakibat ng operasyong kontra-insurehensiya at sadyang pagpapalayas sa mga katutubo (clearing operations) para sa kasalukuyang eksplorasyon ng mina.

Nakakalungkot matunghayan na ang metapora ng kaligtasan ay naging himlayan ng walang kalabang-laban na si Dawin. Ngunit lalu lamang tumibay ang kalooban ni Obunay upang tunguhin ang landas ng katarungan. Sa sumunod na eksenang habulan ay natutuklasang di nag-iisa si Obunay sa hangaring ito. Nagugulantang ang militar sa opensibang kumando ng amasona: mandirigmang NPA na animo’y rebelasyon ng mga ninuno bilang Tagapagbantay na si Sagasa.

Samantala, determinadong isinuong ni Obunay ang masukal na gubat: bawat pagal na hininga ay alay sa mga anak at bawat pag-aalay ay nakatuon sa hustisya. Sa kanyang bawat yapak ay humihiyaw ang lupa patungo sa kuta ng kanyang paglaya.

Ang sumaksak sa inosenteng magsasaka ay sapol ng punglo ng NPA. Ang Tinyente ay binaril ng sarili nitong Sarhento. Ang iba pa ay nabighani sa tradisyunal na patibong laban sa baboy ilahas. At buong tapang na pinagmasdan ni Obunay ang kanilang paghihingalo. Sa puntong ito ay nabibigyang-linaw ang diskurso at pintuho ng radikal na pamagat.

PW-tu-pug-imatuy-01

Garapalang umiiral ang militarisasyon bilang kawing ng dayuhang negosyo sa troso at mina mula 1900 hanggang sa ngayon. Sa gitna ng karahasan, nariyan ang mga katutubo upang buhayin muli ang bawat sinalantang bundok, gubat, tubig, at kultura. Ang cameo na pagganap nina Datu Mintroso Malibato at Bai Bibiya-on Ligkayan Bigkay, kapwa bayani sa kontemporaryong epiko ng Lumad ay simbolikong presensiya ng kaalaman sa batas ng digma at ng patuloy na paninindigan ng mga katutubo sa Mindanao upang depensahan at protektahan ang yutang kabilin.

Katubusan para kay Obunay ang muling mayakap ang kanyang mga anak. Ang larawan ng hindi mapag-imbot na bagong silay ng araw sa tuktok ng bundok ay siya ring inaasam ng mga bakwit/refugee na Lumad sa Davao, Bukidnon, Agusan, Compostella, Misamis, Cotabato, at Surigao.

Sa pagdirehe ni Arbi Barbarona, magiliw niyang ipinamalas sa pelikula ang yamang-likas ng bansa. Pasensiyoso niyang ginagabay ang mga manunood bilang kalahok sa lakbayan at nagtitiwalang mapagtanto nila na ang yamang-likas na ito ay nanganganib. Katunayan ay tuluyang mawala kung hahayaang manaig ang pangangamkam ng nasa poder at ng pagsasalsal nito sa impyunidad. Sa paraang vérité, mauunawaan na ang mga kapatid na Lumad ay dalisay lamang ang mithi para sa yamang-likas kaya handa rin siyang gisingin ang likas na katangian sa pakikidigma sa ngalan ng komunal na pakinabang.

Hindi biro ang piniling paksa ng pelikula sa sinserong panulat ni Arnel Mardoquio na halaw sa 2014 testimonya ni Ubunay Botod Manlaon ng Talaingod, Pantaron Range. Ang kanyang salin sa alamat ay mahalagang maisiwalat sa lahat ng millenial para sa ibayong pag-unlad ng kuwentong-Lumad sa susunod pang salinlahi.

Dinidiin ng saliw na kudlong ang diwa at praktika ng Alamat ni Sagasa bilang nakaugat sa usapin ng lupa kaya naman sa lohika rin ng hinaing ng lupa mabubungkal ang hustisya. Hindi madali ang prosesong ito ngunit sa tamang pagpanig ay sisibol rin ang pag-asa gaya ng pagsalubong sa ulan ng mga buto ng mongo.

Namumutawi ang awit-habilin ng chanter na si Anna Pillabon: “ang bayani, gaya ng matikas na kabayong si Laisan, na isa-isang ginapi ang kaaway at pinagtagumpayan ang bawat laban, ay nararapat lamang kalingain upang higit pang maging matapang alang-alang sa sambayanan”.

Ang Tu Pug Imatuy (The Right to Kill) ay kolaborasyon ng Red Motion Media, Kilab Multimedia, Sine Mindanaw, Yellow Kite Production, Skyweaver Productions, at pamayanang Lumad. Nagwagi ito ng anim na karangalan sa Ikatlong Sinag Maynila Film Festival (Pinakamahusay na Pelikula, Panulat, Direktor, Sinematograpo, Aktres, at Pangmusikang Iskor).


Sanggunian

Andag, R. at V. Retuerma. “The Anti-Terrorism Act in the Philippines: a Human Rights Critique.” Philippine Human Rights Information Center Occasional Papers No. 1, Nov. 2006.
Anderson, P. at J. Menon (eds.). Violence Performed: Local Roots and Global Routes of Conflict. Palgrave Macmillan: 2009.
Butler, J. Precarious Life: The Powers of Mourning and Violence. Verso: 2004.
cinemaMulat Production. Salugpungan: Kasaysayan ng Pagkakaisa at Pakikibaka ng Ata Manobo para sa Lupang Ninuno. Dokyumentaryo, 2008.
Dangla, D. “A Story of a Volunteer Teacher to Manobo Children.” ManilaToday.net, 8 Dec. 2014.
Evans, G., J. Goodman, at N. Lansbury. Moving Mountains: Communities Confront Mining and Globalization. Zed Books, 2002.
IPCM. “International People’s Conference on Mining Plenary Presentations and Workshop Resources.” Peoplesminingconf.net, 2015.
Kalikasan People’s Network for the Environment. “Where are the Trees? Examining the State of the Philippine Forests”. Kalikasan.net, 2011.
Karapatan. “Oplan Bantay Laya: Blueprint for Terror and Impunity (Karapatan 2009 Year-End Report on the Human Rights Situation in the Philippines).” Karapatan.org, 2009.
Karapatan. “The Human Rights Situation Under the Aquino Presidency (Karapatan 2015 Year-End Report on the Human Rights Situation in the Philippines).” Karapatan.org, 2015.
Kilab Multimedia. Defend Talaingod: The Lumad’s Quest for Justice. Dokyumentaryo. 2014. <Youtu.be/3gfr5PyTKHM>
Koutsourakis, Angelos. “The Dialectics of Cruelty: Rethinking Artaudian Cinema”. Cinema Journal Vol. 55, No. 3, Spring 2016 pp. 65-89.
Maranan, L. (ed.). Customary Laws and Free, Prior and Informed Consent. Philippine Task Force for Indigenous People’s Rights. 2013.
Masinaring, M.R. Understanding the Lumad: A Closer Look at a Misunderstood Culture. Tebtebba Foundation, 2011.
Montero, H. Pahiyum ni Boye (Boye’s Smile). Dir. H. Montero. Tauhan M. Dumala, J. Mantikinon, S. Guimboloy at R. Guimboloy. Pelikula, 2014.
Montero, H. Pakot (Wild Boar). Dir. H. Montero. Tauhan M.A. Alapag, J.M. Vegas, at M. Malibato. Prod. RedWerkz Productions at Red Motion Media. Pelikula, 2015.
National Democratic Front of the Philippines. The GRP-NDFP Peace Negotiations Major Written Agreements and Outstanding Issues. 2006.
National Union of People’s Lawyers. Extrajudicial Killings and Disappearances: Impunity in the Criminal Justice System. 2011.
Office of the United Nations High Commissioner for Human Rights. “The Core International Human Rights Treaties.” 2006.
Ragragio, A. M. “The Bakwit of the Talaingod Manobos.” DavaoToday.com, 6 Apr. 2014.
Sison, J.M. “The People’s Struggle for a Just Peace.” International Network for Philippine Studies: Netherlands, 1991.

 

Kabilang sa mga naghahanap

$
0
0
Rebyu ng librong Kung Alam N’yo Lang: Mga Kuwentong Pambata Para sa Mga Hindi na Bata, ni Ricky Lee (2016)

Kung Alam Nyo LangANO ANG DULO NG PAGHAHANAP?

Kung may temang nagdurugtong sa maraming maikling kuwento, nobela at script na inianak ni Ricky Lee sa paglipas ng panahon, ito ay ang “paghahanap.” Sa isang lipunang kayraming nawawala tulad ng tao, pera, pag-asa at hustisya, ang tanging hindi nawawala ay ang paghahanap.

Ganito ang mahihiwatigan sa isa sa mga naunang maikling kuwento ni Lee, ang “Kabilang sa mga Nawawala“. Tungkol ito sa paghahanap sa mga desaparecido – mga biktima ng sapilitang pagkawala o pagdukot ng mga militar. Paghahanap naman sa pag-ibig sa gitna ng krisis panlipunan ang mababasa sa kanyang nobelang Para Kay B. Samantala, paghahanap naman sa sariling sekswalidad sa gitna ng lumalalang krisis pampolitika at rebisyon ng kasaysayan ang matatagpuan sa nobelang Si Amapola sa 65 na Kabanata.

Sa scriptwriting manual na Trip to Quiapo, sinabi naman ni Lee na ang nawawala sa landas o naliligaw ay mas maraming natututunan. Ang manunulat na naliligaw ay maraming nahahanap kahit hindi sinasadya, kung kaya’t mas maraming nararanasan at mas maraming naisusulat.

Sa ganitong punto maidurugtong ang Kung Alam N’yo Lang: Mga Kuwentong Pambata Para sa mga Hindi na Bata ni Lee. Binubuo ito ng apat na maikling kuwentong pinagbibidahan ng apat na bata. Apat na batang tauhang may kani-kaniyang hinahanap – ang Diyos, ang katinunan, ang nawala o binurang kasaysayan ng bayan, at ang kahulugan ng buhay at kamatayan.

ALIN ANG PAMBATA AT HINDI PAMBATA?

Gumamit si Lee ng mga nakasanayang kostumbre ng pagkukuwentong pambata – pabula, large letters o higanteng mga titik, picture book, adventure, kuwentong bayan tulad ng aswang, mito at alamat, at mga guhit. Sa katunayan, kaakibat ng bawat kuwentong pambata ang mga guhit nina Kenikenken, Diigii Daguna, Jether Amar at Ivan Reverente.

Ngunit ang mga kuwentong pambata ni Lee ay hindi naman talaga pambata kung gagamitin ang nakasanayang mga tema ng panitikang pambata. Madalas, layunin ng panitikang pambata ang magturo, maging didaktiko, at magdulot ng saya.

Ngunit sa kasaysayang ng panitikang pambata, marami ring progresibong tema na tinatalakay sa mga alternatibong kuwentong pambata – karanasan ng mga Lumad at Moro, batang may dalawang inang lesbiyana, at batang rebolusyonaryo.

Hindi nalalayo sa ganitong timpla ang reartikulasyon ng mga “kuwentong pambata para sa mga hindi na bata” ni Lee. Kung tutuusin, ano nga ba ang pambata at hindi pambata? Sa ganito tumutungo ang landasing pampilosopiya at panlipunan ng mga bagong kuwento ni Lee. Tinatanong ni Lee ang mga mambabasa kung ang mga kuwentong isinalaysay ba niya ay hindi pambata, gayong karanasan ito ng mga bata?

SAAN BA SILA NAGPUNTA?

Sa unang kuwento, “Ang Nawawalang Diyos,” na nasa porma ng pabula, ikinuwento ng titser ni Carlo na noong unang panahon ay nagpapakita raw ang Diyos sa mga piling tao lamang, sa hulas ng haligi ng apoy o malakas na tinig. Sa murang isip ni Carlo, sinubukan niyang hanapin ang Diyos kasama ang mga nagsasalitang alagang aso at pusa niya. Nilakbay nila kung saan laging tinatawag, sinusumpa o ginagamit ang pangalan ng Diyos. Nagtanong rin sila sa iba’t ibang paham, pantas at lider ng iba’t ibang relihiyon. Sa serye ng paghahanap ni Carlo, ipinapakita sa mambabasa ang iba’t ibang pilosopiya hinggil sa pag-iral at pagkawala ng Diyos.

Sa ikalawang kuwento naman, “Ang Sayaw ng mga Letra,” hinahanap ni Trevor ang kalinga ng kaniyang yumaong kuya. Sinabi ng kuya ni Trevor na ang mga salita ay salita lamang. Tila pilosopikal ang kuwento hinggil sa paggamit ng wika – sino ang nagtatakda ng salitang maaari o hindi maaaring gamitin, alin ang pambata at pangmatanda. Binabaklas ng magkapatid na tauhan ang mga hangganan at silbi ng mga salita. Sa pag-usad ng sikolohikal na kuwentong ito, lahat ng bagay ay naging malalaking titik na nagpapatakbo na sa buhay ni Trevor.

PAANONG NANGYARI IYON?

Sa ikatlong kuwento, “Si Inggo at ang Santo Kuwatro,” biktima ng bullying ang batang si Inggo. Ang bully: ang kaklase niyang si Victor na kalaunan ay nawala. Sa bayan ng Santo Kuwatro sa Bikol, maraming kuwentong bayan tungkol sa mga kapre at aswang na sa gubat ay naninirahan. Sa paghahanap sa batang si Victor, matatagpuan ni Inggo ang maraming kuwento ng kababalaghan na tao ang lumikha upang pagtakpan ang madugong kasaysayan ng Santo Kuwatro. Ang kuwentong ito ang pinaka-alegorikal sa lahat ng kuwentong pambata sa koleksyon ni Lee – mula sa pananakop ng mga Hapon hanggang sa pandarahas sa mga anak ng rebolusyon.

Gustong mamatay ni Kamatayan. Sa huling kuwento, “Nang Mapagod si Kamatayan,” nakausap ng batang si Monty si Kamatayan. Galit ang lahat ng tao kay Kamatayan dahil pumapatay ito. Ipinaliwanag ni Kamatayan na hindi siya pumapatay kundi tagasundo lamang. Sa isang napakapilosopikal na kuwento, hinahanap ng batang si Monty kung ano ang dahilan ng pag-iral ni Kamatayan. Masasagot ito nang mapagod si Kamatayan at naging imortal ang lahat ng tao. Pinaglilimi nito ang mambabasa hinggil sa halaga ng buhay, silbi ng tao, at kung bakit kailangang baguhin ang lipunan.

BAKIT PATULOY SA PAGHAHANAP?

Maraming kasabihan tungkol sa paghahanap. Halimbawa, “Hindi bibig ang pinanghahanap kundi mata.” Sa kilalang alamat ng pinya, huli na nang ma-realize ito ni Pina kaya naging prutas siya na pagkarami-raming mata. Sa pag-ibig, laging sinasabi ng matatanda, “Hindi hinahanap ang pag-ibig. Kusa itong darating.” Kaya uso ang hugot lines sa panahon ngayon. Sa pilosopiya, mayroong “Ang nawawala ay hindi mahahanap kung ayaw magpahanap.” O baka mas malaya siya kung nasaan man siya? O baka may bumabalakid sa paghahanap sa nawawala?

Ang patuloy na paghahanap ay isang diskursong progresibo. Tulad ng masisipat sa koleksiyon ni Lee, hindi man mahanap ang orihinal na hinahanap ay maraming matatagpuang sagot sa mga tao at tagpuang hindi inaasahan. Dahil sa huli, ang paghahanap ay isang makatarungang hakbang na hindi matatawaran, lalo na kung naglalayon itong matagpuan ang solusyon sa mga problema ng bayan.


 

 Si bruha, si maganda

$
0
0

Mahilig sa kantahan ang mga Pinoy. At bagamat may mayamang tradisyon ng pag-awit at pagsayaw ang mga Pilipino, malakas pa rin ang impluwensiya sa atin ng musikang mula sa Europa at Amerika. Kumpara sa ibang lahi sa Timog Silangang Asya, mga Pilipino na marahil ang pinakapamilyar sa Kanluraning musika.

Kasama rito ang pagtangkilik natin sa tinatawag na musicals (kapwa sa teatro at sa pelikula) na pinasikat sa mga sentrong pangkultura ng Kanluran tulad ng Hollywood (Los Angeles, California sa USA), Broadway (New York, USA) o West End (London, United Kingdom). Sa pangkalahatan, masasabi nating dala ng mga pangkulturang produktong ito ang dominanteng ideolohiya ng Kanluran—ang pagtaguyod sa kapitalismo bilang natural na sistema ng lipunan, ang pagpapahalaga sa indibidwal na kagalingan at personal na kaligayahan higit sa kolektibo o pambansang interes.

Gayunman, sa ilang pagkaka-taon, may mga produkto sa nabanggit na mga sentrong pangkultura na naglalaman ng progresibong mga mensahe o adhikain – o tumatalakay, sa malikhaing paraan, sa mga panlipunang reyalidad at nagmumungkahi ng progresibong pagbabago.

Nitong nakaraang dalawang buwan, muling lumapag sa bansa natin ang dalawa sa mga musical na produkto: ang pelikulang musical na Beauty and the Beast (na pinalabas sa halos lahat ng pangunahing mga sinehan sa bansa) at ang musical na panteatro na Wicked (na pinalabas sa pang-alta sosyedad na lugar na Solaire Casino Resort). Kapwa bumatay sa Kanluraning tradisyunal na kuwentong pambata (ang una, mula sa La Belle et la Bête na nobela ng Pranses na si Gabrielle-Suzanne Barbot de Villeneuve; ang pangalawa, tinuntungan ang The Wonderful Wizard of Oz ng Amerikanong nobelistang si L. Frank Baum), may progresibong mensahe o gamit kaya ang mga ito sa atin?

Unahin natin ang Wicked. Dinebelop nina Stephen Schwartz (musika at lirika) at Winnie Holzman (libro) mula sa nobela ni Gregory Maguire na Wicked: The Life and Times of the Wicked Witch of the West, kinuwento ang isang bersiyon ng pinagmulan ng “Wicked Witch of the West”, si Elphaba at pagkakaibigan niya sa isang maganda at popular na witch na si Galinda. Ipinanganak na berde pero may angking talento sa mahika si Elphaba. Sa pagtuklas niya ng sariling kakayahan at kapangyarihan, tinalikuran niya ang pag-ibig, ang mapanghusgang pamilya, at, sa huli, ang pagkakaibigan kay Galinda, para matuklasan ang sarili. Sa pagtuklas niyang ito, nagsilbing balakid ang isang sistema ng lipunan (ang Oz) na kurap, mapagsamantala at mapaniil.

Ano naman ang kuwento ng Beauty and the Beast (BB)? Ito ang kuwento ng isang dalagang baryo sa France, si Belle, na nakulong sa kastilyo ng isang prinsipeng may sumpa (kaya nagmukhang halimaw) dahil sa “pagnanakaw” ng rosas ng kanyang ama. Kalauna’y nagkapalagayang loob ang halimaw at si Belle. Kailangang sabihin ni Belle na mahal niya ang halimaw para mawala ang sumpa sa halimaw. Samantala, napahamak ang kanyang ama sa hambog na manliligaw ni Belle (si Gaston). Nang tangkaing sagipin ni Belle ang ama, sinugod ng manliligaw ang halimaw. Bago mamatay ang halimaw, nagawang magtapat ang dalaga—at muling naging guwapong prinsipe ang halimaw.

Walang duda, kapwa mahusay na musika ng dalawang musical na ito (itinuturing na groundbreaking sa Broadway ang musika ng Wicked, samantalang nauna naman ang animated version ng BB noong 1991 sa sunud-sunod na animated musical films ng Disney). Pero tila nakaaangat ang Wicked sa radikal na pagbasag nito sa nakagawiang mga kuwento ng pantasya—isang bidang babae na ginusto, hindi ang makakuha ng mapapang-asawang mayaman, kundi ang makawala sa konserbatibo at mapaniil na kultura para makamit ang potensiyal bilang witch, habang namumulat sa tunay na kalagayan ng lipunang kinikilusan niya. Konserbatibo at kontra-kababaihan naman ang hangarin ni Belle sa BB: ang mapangasawa ang isang ma-yamang lalaki (na bibigyang laya ang kanyang hilig sa pagbabasa)—kahit mukhang bakulaw.

Bagamat pantasya ang kuwento ng BB, may historikal na konteksto rin ang kuwento: huling bahagi ng 1700s, bago ang rebolusyong Pranses na nagpabagsak sa monarkiya. Kaya naman may ilang makukulit sa social media na nakapagsabi na dahil prinsipe nga ang halimaw, posibleng isa rin ito sa pinugutan ng ulo ng bagong luklok na rehimeng burges. Baka pati si Belle, napugutan din (katulad ng huling reyna ng Pransiya na si Marie Antoinette).

Samantala, sa Wicked, katulad ng mga radikal na nag-aaklas sa tunay na buhay si Elphaba: siniraan at binansagan ng kung anu-ano. Si Elphaba, tinawag na “Wicked Witch of the West.” Ang kasalukuyang mga radikal at rebolusyonaryo, binabansagang terorista, bandido, masamang tao. Pero kung may mapupulot man tayo sa Kanluraning musical na Wicked, ito ay ang puntong huwag maghusga sa panlabas o mababaw na anyo (“beauty”). Alamin ang tunay na kuwento nilang mga binabansagang bruha.


 

Pagkilala sa nawala

$
0
0

Kung sa mga hinala umiikot ang isang sagot, paano malalaman ang katotohanan?

Walang nakitang katawan. Walang gustong umamin. Wala ring pruweba. Mga agam-agam na pinasiklab ng emosyon. Ganito inilarawan ng Nabubulok, sa direksiyon ni Sonny Calvento, ang krimeng hindi na bago sa mata ng masang Pilipino. Pero hindi lang ito mula sa malikot na imahinasyon ng bagong direktor. Ang Nabubulok ay isang artistikong pagsasabuhay sa isang totoong pangyayari.

Nasaan si Luna? Ito ang tanong na gagambala sa mga manonood. Sa Nabubulok, tatangayin tayo ng pirapirasong ispekulasyon ng mga taong nakapaligid sa kinatitirikang bahay ng pamilyang Harper. Tulad ni Luna (isang Pinay) at Jayson Harper (Amerikanong expat), hindi mapagkakaila na normal na ang kultura ng pag-aasawa ng dayuhan noon at ngayon na hinulma ng malakolonyang pananakop sa Pilipinas. Dito maninirahan ang mag-asawa at tatawaging Fil-Am ang mga anak. Hindi na rin kataka-taka sa sariling bansa ay binabayaran bilang kasambahay si Ingrid (Gina Alajar) ng pinsan niyang si Luna na nakapangasawa ng Kano. Isang umaga, magtataka si Ingrid sa kakaibang kilos ni Jayson. Samantala, may umaalingasaw na amoy sa kanilang lote.

Nasa likod ng kuwento ang kontekstong panlipunan ngayon: halimbawa, ang mga pahayag ni Presidente Duterte hinggil sa pagputol ng di-pantay na ugnayan sa gobyerno ng Amerika.

Makikita sa pelikula na mismong naaagrabyado ang gagawa ng hakbang para makuha ang hustisya. Sa madaling sabi, ang Nabubulok ay may tinatanganang responsabilidad sa manonood na ilarawan ang inhustisya sa isang kaso ng pagkawala at isang suspetsa ng pagpatay. Sa pelikulang ito, pangkaraniwan ang krimen. Para sa mga pulis, isa na namang kaso ito. Isa na namang tsismis. Isa na namang nawawala. Isa na namang napatay. Isa na namang inhustisya.

Prominente sa pelikula ang aral na hindi dapat mamanhid ang lipunan sa mga krimen na pang-araw-araw na nagaganap dito.

Pagsundo sa anak

Kasali sa hanay ng Shorts Film B (Maiikling Pelikula) sa 13th Cinemalaya ang pelikulang Nakauwi Na.

Umiikot ito sa paghahanap ng mga paraan ng isang ama na makaipon ng sapat na salapi upang tuluyang mailabas sa punenarya ang anak niyang pinatay. Tinatalakay ng kuwento kung paano mababago ng isang pagkakamali ang buhay ng pamilya.

Hindi sumunod sa kumbensiyunal na naratibo ang pelikula. Hindi ito sumunod sa tradisyunal na simula, gitna at konklusyon. Binasag nito ang nakasanayang pormula sa paggawa ng mga pelikula sa pamamaraang nagsimula ang kuwento sa katapusan. Si Mang Jerry, ang ama, ay nasa punenarya upang dalawin ang bangkay ng kanyang anak na kakatapos pa lang ng Engineering sa kolehiyo. Nakatitig lang siya sa bangkay na balot ng puting kumot. Hindi siya nagsasalita.

Sa pagbabalik-tanaw, tuluyang untiunting nabuo ang kuwento. Nagbabalik ang mga alaala ni Mang Jerry na kasama ang anak. Naging epektibo ang transition ng pangyayari sa kasalukuyan papunta sa nakaraan upang maipakita ang ugnayan ng mga ito sa kuwento. Sa paglabas ng bawat eksena, unti-unting nabuo ang maliliit na piraso ng naratibo. Bukod pa dito, nakadagdag din ang mabisang pagsasabuhay ng mga mga pangunahing tauhan sa loob ng pelikula.

Naipakita sa Nakauwi Na ang isa sa pinakamalaking problema ng maralitang Pilipino na walang kalaban-laban sa sistemang walang pakialam sa kanila. Kinatawan ni Mang Jerry ang libu-libong kaanak ng mga biktima ng giyera kontra droga ng gobyerno: pinagkaitan ng hustisya at tinalikuran ng pamahalaan. Sa huli, kahit na di mo pa mawari kung bakit, kahit hindi mo maunawaan o ginugumon ka ng lungkot, galit at poot: Tulad ni Mang Jerry, kailangang mong magpatuloy sa paglaban.


 

Ibong walang laya

$
0
0

Marahas at walang hustisya ang lipunan. At ang paglisan ng mga tao mula sa kamusmusan patungong pagtanda’y may kalakip na pagkabinyag sa mga karahasan at kawalang hustisya na ito. Iyon ang nais iparating ng pelikulang Birdshot ni Mikhail Red. Tungkol ito sa mga nagdugtong na kapalaran ng dalawang pulis na sina Domingo at Mendoza at ng mag-amang Maya at Diego.

Nagsimula ang kalbaryo ng mag-ama nang mabaril at napatay ni Maya ang isang Haribon na endangered animal dahil sa kanyang pagkamausisa. Dahil dito inilipat ang dalawang pulis na si Mendoza at Domingo mula sa kasong iniimbestigahan para imbestigahan ang kinnahinatnan ng nawawalang Haribon. Isang sensitibong isyu ang naunang kaso na iniimbestigahan nila sapagkat ito ay hinggil sa mga magsasakang nawala nalang bigla matapos ang isang malaking protesta laban sa isang asyenda.

Ipinakita ng pelikula ang kawalan ng kakayahan ng kapulisan na resolbahin ang kaso ng mga nawawalang magsasaka kung kaya’t pinagbuntunan na lang nila ng galit ang ama ni Maya na si Diego dahil sa pag-aakala nilang binaril ni Diego ang Haribon. Dito walang pakundangang ipinakita ng pelikula ang karahasang ginagawa ng mga pulis sa mahihinang tao at ang kawalan nila ng kakayahang tugisin ang tunay at malalaking kriminal—ang dahilan ng pagkawala ng mga magsasakang nagpoprotesta laban sa asyenda.

Malinaw at marahil totoo lalo na sa panahon ngayon ang pagsasalarawan ng Birdshot sa mga awtoridad. Ang pagkamatay ng Haribon ay isang makatotohanang hudyat ng pagkamulat sa karahasan at tunay na lagay ng lipunan. Kasabay ng pagkamulat ni Maya sa mundo ang pagkabinyag ng baguhang pulis na si Domingo.

Dito isinalarawan ng pelikula kung paano mabuktot at makurap si Domingo na sa simula’y isang matapat na pulis na gusto lang lutasin ang kaso ng nawawalang mga magsasaka. Pero unti-unting nabaluktot siya dahil sa pambabanta ng mga nakatataas sa kanya at kawalan ng kapangyarihang makagawa ng pagbabago.

Isang magaspang na obra ang Birdshot. Bagamat maganda ang konsepto at ideya nito at magagaling ang mga nagsiganap, ang mga diyalogo ng mga tauhan ng pelikula’y kulang sa pagkamakatotohanan. Partikular dito ang karakter nina Maya at Domingo. May kapansin-pansing pagkukulang ito. Marahil, sinadya ito upang bigyan-diin ang kanilang pagkabirhen sa karahasan at ang di-makatotohanang pag-asa nila sa lipunan. Marahil din na hindi.

Pero hindi maikakailang malaki ang halaga ng mga pelikulang katulad ng Birdshot na malagim at sumasalamin sa kapangitan ng lipunan ngayon. Kada tauhan sa pelikula’y tila isang ibon na wala sa hawla pero wala namang layang lumipad, hindi na malayo sa mga mamamayan ng Pilipinas.


 

Never say never

$
0
0

May plano sa buhay si Joanne. Hindi nagtapos sa isang sikat na eskuwelahan, pero may ambisyon siyang makaangat sa buhay: Maging brand manager sa isang pribadong kompanya. Makabili ng itim na kotse. Mapasaya ang pamilya.

Isang gabi, napadpad siya sa isang tattoo parlor. Bakit nga ba? Di masyado pinaliwanag, pero may pinagawa siyang stickers para sa isang kliyente. Doon niya nakilala si Gio. Fil-foreigner si Gio (Amerikano? Australyano? Briton? Hindi ipinaliwanag.). Tinutustusan ng kanyang tatay ang petiburges niyang buhay—ang pagkapetiks sa karera bilang graphic artist, ang mamahaling condo, ang kaswal na pakikipagrelasyon. Pero naakit agad siya kay Joanne. Sinundan niya ang dalaga sa labas ng tattoo parlor, niyaya ng sakay. Hinintay sa harap ng opisina at niyayang ihatid niya sa bahay. Kung hindi lang natin kilala si James Reid, tiyak, mag-iisipan na natin ng masamang motibo ang binata.

Pero basta. Ang ipinaniniwala sa atin, totoo ang pagkagusto ni Gio kay Joanne. Inaraw-araw niya ang hatid-sundo sa dalaga. Niregaluhan niya ng helmet. Nilibre niya ng kain sa Seven-Eleven. Walang kalaban-laban ang dalaga: nahulog agad ang loob niya.

Sa kabila ng mga komplikasyon sa buhay ni Joanne – sa mga pangarap niyang tila mababalam dahil sa pakikipagrelasyon sa isang “mukhang laya ng City Jail” (sabi ng tatay niya, ginanap ni Rez Cortez) – nagsama ang dalawang magkarelasyon. Masasadlak ito sa krisis nang magbago ang sitwasyon ni Gio at kinailangang maghanap ng trabaho.

Saan pa nga ba, kundi sa ibang bansa. May offer kay Gio sa London. Lumalabas, magaling siyang graphic artist. Pinaniniwala tayong isang kompanyang Briton na puno ng mga empleyadong hipster ang magkakainteres na dalhin sa London mula Maynila ang isang freelancer para maging regular na inhouse artist nito. Sige na nga. Ang problema, papaano ang mga pangarap ni Joanne? Tiyak, kapag sumama siya sa London, hindi lang sa kakalimutan niya ang pinaghihirapang karera. Magsisimula siya sa pinakailalim—sa isang dayuhang bansa.

Matagal man ang pasakalye, sa puntong ito totoong gumulong ang istorya nina Gio at Joanne. Uminog ang kuwento sa problemang magkarelasyon sa ibang bansa. Ang maganda sa ginawa ng direktor at manunulat na si Antoinette Jadaone, nilabanan niya ang presyur na magsingit ng mga eksena sa London na tiyak na hinahanap ng mga big boss ng mga studio tulad ng Viva: ang mga eksena ng pasyalan ng dalawang magsing-irog, habang nagliliparan ang mga ibon, naglalakad sa magagandang tanawin ng isang dayuhang bansa, habang tumutugtog ang kanta ng singer o banda na gustong pasikatin ng big boss. Hindi niya nalabanan ito sa huling teleserye ng JaDine: Till I Met You (2016). Maatatandaan, ipinilit ng Star Cinema na isingit ang ganoong mga eksena sa sana’y seryosong mga pelikula tungkol sa mga OFW—Milan (2004) at Dubai (2005). Kahit ang Barcelona: A Love Untold ng KatNiel (2016), may ganito pa ring sakit.

Sa puntong iyon, angat ang Never Not Love You sa Milan, Dubai, Till I Met You at Barcelona. Hindi na nagpapakasapat si Jadaone sa siguradong pormula ng pagkukuwento. Sa konteksto ng mga romcom sa bansa ngayon, tiyak na pagtatawanan na ang mga pormulang ito. Tumaas na ang mga expectation, kahit sa fans ng JaDine o KatNiel. Matapos ang tagumpay sa takilya ng Kita Kita (2017)—isa pa ring romcom na naganap ang kuwento sa ibang bansa—baka mahirap nang ilusot ang romantisasyon sa dayuhang bansa bilang lugar kung saan yumayabong ang pag-iibigan.

Kumbaga, hanggang sa Kita Kita, problema pa rin ng romcoms ito: Bakit kailangang sa ibang bansa pa rin maganap ang romansa ng dalawang Pilipino? Masyado na bang nalason ng Kdramas ang panlasa natin sa romansa kaya kailanganing dalhin sina KatNiel at JaDine (at LizQuen sa My Ex and Whys) sa Espanya, Gresya o Korea para ma-inlove? Ang mabuti sa Never Not Love You, hindi lugar ng romansa ng JaDine ang London: Nakahadlang pa ito sa pag-iibigan nila. Batid ito ng milyun-milyong Pilipino sa ibayong dagat. Tinitingnan nila ang host countries nila hindi bilang lugar ng pag-ibig kundi lugar ng sakripisyo, paghihirap, pangungulila. Madalas, lugar din ito ng pang-aapi, pagsasamantala. Minsan, lugar ng kamatayan.

Kay Gio, lugar ng oportunidad at pangungulila ang London. Kay Joanne, lugar ito ito ng kalungkutan at kawalan-ng-ambisyon, ng pangangayupapa at diskriminasyon. Hindi na aspiring branch manager si Joanne sa London; waitress na lang siya, na sinisigaw-sigawan ng mga puting kostumer.

Sa usapin ng tema, ito ang kalakasan ng Never Not Love You. Matapat nitong kinikilala na hindi otomatikong maganda, hindi agad na romantiko, hindi laging masaya, na mawalay sa mga mahal-mo-sa-buhay at bayang kinalakihan. Hadlang sa pag-ibig ang sapilitang migrasyon. Winawasak nito ang mga relasyon. Sa kaso ng milyun-milyong Pilipino, winawasak nito ang mga pamilya.

Gayunman, nagkulang ang pelikula sa pagbibigay-konteksto sa kuwento nina Gio at Joanne. Hindi lang personal na desisyon ang pangingibang bansa. May kalagayan ang bansa, may mga polisiya (nakasulat man o hindi) ang Estado na nagtutulak sa mga tulad nila na mangibang bansa. Bakit walang makuhang magandang trabaho si Gio sa Maynila? Bakit iisa ang ruta ng tagumpay na nakikita ni Joanne para makaangat sa buhay?

Mainam sanang nilawakan pa ni Jadaone ang sipat sa mundo ng dalawa. Mas madalas, hindi natin malay na naaapektuhan ng kalagayan ng bansa ang personal nating mga desisyon. Sa ganung sipat sana, mapapaunlad ni Jadaone ang pagtatapos ng pelikula. Madalas, para sa maraming Pinoy, hindi madali ang umuwi. Nagkakagiyera na at lahat sa ibang bansa, pinipilit pa rin ng marami sa kanila na magtrabaho roon. Sumasapat lang ang mga remitans para mabuhay ang pamilya—hindi ito sapat para makapag-ipon o talagang maiangat sa sila sa buhay. Wala ring mauuwiang trabaho ang mga OFW. Walang sapat na industriya ang Pilipinas para sa kanila.

Sa dulo, gumamit pa rin ng pormula ang Never Not Love You: na mananaig at mananaig ang pag-ibig ng dalawang magkasintahan. Pero matapos ang pelikula, hindi tayo mapapakali. Alam natin, mabuway ang relasyon, mabuway ang batayan ng pagbabalikan. Walang forever. Never say never.


 

Mga kontradiksiyon sa Citizen Jake

$
0
0

Matapang. Mapanuri. Makabuluhan.

Marami ng pelikulang nagtangkang ilantad ang bulok na sistemang pampulitika sa bansa pero wala na marahil tatapat sa tapang ni Mike de Leon na tawirin ang “fiction” patungo sa “fact”. “Truth is stranger than fiction”, ika nga, at pinatunayan ito ni direk Mike sa kanyang pelikulang Citizen Jake na pinagbidahan ni Atom Araullo kasama ang mga batikang artistang sina Cherie Gil, Teroy Guzman, Gabby Eigenmann, Lou Veloso, Nonie Buencamino, atbp.

Walang pagtatangka sa bahagi ni direk Mike na ikubli pa ang galit nito sa “conjugal dictatotorship” ng Marcoses, kasabay ng pahiwatig na hanggang sa rehimen ni Duterte ay nagpapatuloy ang walang patumanggang karahasan (impunity) at pang-aabuso ng kapangyarihan.

Ipinakita ng Citizen Jake ang iba’t ibang anyo ng pang-aapi at kahayupan – pagpatay, pagtortyur, panlalansi, blackmail, pang-aabuso at paglapastangan sa kababaihan – na kayang gawin ng mga masalapi at makapangyarihan sa karaniwang mamamayan, ngunit kasabay ding tumutupok sa relasyon ng mga miyembro ng pamilya ng mga may sinasabi sa lipunan, naghahari man o naghahari-harian.

Kaya naman si Jake Herrera (Atom Araullo), peryodista at blogger, ay piniling dumistansya sa kanyang pamilya at, sa halip na mag-astang heredero, ay di mapigilang ilantad ang kinamumuhiang baho at katiwalian ng ama (Teroy Guzman), na kroni ni Marcos. Kaysa matulad sa kapatid (Gabby Eigenmann) na iniidolo ang pamilyang Corleone sa The Godfather, lumayo si Jake dito.

Larawan ni Jeffrey Tictic, mula sa FB page ng Citizen Jake.

Larawan ni Jeffrey Tictic, mula sa FB page ng Citizen Jake.

Walang sinasanto at walang kinikilalang batas ang ama at kapatid ni Jake, ngunit tulad ng mayayamang angkan sa lipunan si Jake din naman ay nababahiran ng mga pribelehiyo ng uring ito. Hanggang sa puntong ilagay niya ang batas sa kanyang mga kamay nang pinatay ang matalik na kaibigan, at pumatay din siya nang walang pananagutan.

Lipos ng kontradiksyon ang Citizen Jake— sa pagitan ng mayaman at mahirap, sa amo at utusan, sa tatay at mga anak, sa kapatid sa kapatid, sa relasyong mag-asawa, sa mamasan at mga puta, sa pulitiko at huwes. Masasalaman at masasalamin ng manonood ang sarili sa mga karakter sa telon. Maging ang mga aktibista o progresibo ay mapapakislot sa papel at makabayang tula ni Lou Veloso.

Gayunman ang paglutas ng kontradiksyon ay hindi mo makikita sa paraang ikatutuwa ng manonood. Bagkus, ang tatambad ay punto-de-bistang petiburges– ang paghahanap ng hustisya na nauwi sa pananahimik, paglayo, pag-iwas, pagtanggi, pagsisinungaling, pagdadalawang-loob, pananamlay, pagpapadala sa takot, pag-upa ng kriminal para tapusin ang kalaban, o agarang mahiganti. Paglalarawan ito ng karakter o katangian ng middle-class, at kung ito ang layunin o sukatan, matagumpay itong nagawa ng Citizen Jake.

Sa makitid na mundong ito ang pagtatagumpay ng biktima ay wari bang kawangis ng demonyong umapi sa kanya. Pinakamalinaw na inilarawan ito ng karakter ni Cherie Gil, na mula sa pagiging starlet na inabuso ng pulitiko ay umakyat sa alta-sosyedad sa pagiging mamasan at nagbulid sa maraming kabataan sa prosti-tuition.

Sa loob ng mahigit dalawang oras, ipininta ni direk Mike ang likaw ng bituka ng lipunang Pilipino, na hanggang ngayon, sa kabila ng maraming administrasyon at pangako ng mga pulitiko, ay walang pagbabago. Isang pelikulang naglalantad ng kalupitan at kabulukan sa makasining na paraan. Isang pelikulang ang tumatambad ay totoong buhay.

Hindi ito mangyayari kung wala ang mga batikang artista na gumanap ng iba’t ibang karakter at eksena. Si Atom Araullo, sa kabila ng pagiging bagito, ay nagpamalas ng potensyal laluna sa ilang piling eksena, liban pa sa malakas na screen presence na humahatak ng buong atensyon ng manonood sa istoryang umiinog sa kanya. Naging bahagi rin siya ng pagsusulat ng iskrip ng pelikula.

Hindi nagtatapos sa sinehan ang Citizen Jake. Tulad ng iba pang obra ni Mike de Leon ito ay patuloy na pag-uusapan, at sana’y hindi lamang ng mga kritiko kundi ng mga manonood mismo.


Tugma at talim

$
0
0

Tinipon sa Usapang Kanto ang halos 200 tula ng makata’t kompositor na si Jesus Manuel “Koyang Jess” Santiago na nalathala sa pagitan ng huling bahagi ng dekada ’90 hanggang 2005. Koleksiyon ito ng mga tinawag niyang “kolumberso” sa mga diyaryong Pinoy Weekly, Taliba, Archipelago, Truth Forum, Hoy, Bagong Umaga, Pinas, at Planet Philippines.

Koyang Jess, sa lunsad-aklat ng Usapang Kanto noong nakaraang taon. <b>Lito Ocampo</b>

Koyang Jess, sa lunsad-aklat ng Usapang Kanto noong nakaraang taon. Lito Ocampo

Mahalagang sipatin ang mga tula sa koleksiyon bilang istorikal na pagtatala ng mga naganap sa isang partikular na panahon. Matatalas ang komentaryo ni Koyang Jess, (para sa marami), sa pangaraw-araw na mga balita’t pangyayari sa panahon nina Estrada at Macapagal-Arroyo. Ang totoo, ilang taon na rin ang nakalilipas subali’t naririyan pa rin ang mga isyung tinalakay sa kanyang mga akda: pagtaas ng presyo ng mga bilihi’t serbisyo, buwis, mababang pasahod, kawalan ng lupa, masaker sa mga magsasaka, korupsiyon, konsumisyon sa eleksiyon, same sex marriage, o kahit sina FPJ at Dolphy, maging ang kumpisal ni Kris Aquino sa kanyang pagkakaroon ng STD, hanggang sa usapin ng globalisasyon at imperyalismo.

May karisma ang tula ni Santiago sa paraang tinatalakay nito ang tila pangkaraniwan tulad ng texting, spaghetti’t pizza, sunog, perya, usapang lasing, prey-ober at iba pa, pero may pitik na komentaryo sa loob ng kanyang mga berso. Sa mga mahilig sa pambeberso’t pananalinghaga, di sasala ang tugma’t sukat ni Santiago na aniya’y iniaalay niya bilang pagpupugay kina Huseng Batute, Amado V. Hernandez at Sisong Kantanod, na pawang mga nagsulat rin ng mga patulang kolum sa kanilang panahon, at gayundin, may angking talim sa pagsisiwalat ng mga sakit ng lipunan.

Kapansin-pansin din ang siste sa mga tula na nakaugat sa tradisyong pusong, na tila nagpapatawa gayong matalas na pumupuna sa mga maling sistema tulad ng ginawa ng kapwa niya Bulakenyong Marcelo del Pilar na ginawang katatawanan ang pagpuna sa mga fraile.

Usapang kanto kaya magaan ang wika kaya tiyak na maiintindihan ng masa sapagkat ito naman ang gustong kausapin ng kanyang mga berso. Mula sa kanila, para sa kanila, kumbaga. Gayunma’y hindi naiwaglit ni Santiago ang kasiningan ng tugma at sukat habang pinananatili ang matalas na komentaryong nilalaman ng mga tula.

Sa “Luv Txt,” na tumatalakay sa pagiibigan, makikita ang mga salitang, cell phone, texting, ring tone, screen, cell card (noong hindi pa uso ang tingi-tinging prepaid), na itinatampok sa long distance na relasyon. Sa dulo ng tula, binabatikos ang napipintong pagpataw ng buwis sa texting ng “bwisit na pamahalaan.” Sa mga linyang “Pangako, mahal ko, tiyak na bubukol/ panggadgad ng yelong ipupukol!”, mahihiwatigan ang akto ng pagtutol at paglaban.

Itinampok naman sa tulang “Bagahe” ang panghihingi ng “congresswoman ng Ilocos Norte” ng second chance, na sinagot ng bulyaw ng aleng naaasar ng “Magtigiltigil ka’t ‘wag magpaandar/ Sa batas militar, kami’y nabusabos!/ Taglayin mong sumpa ang pangalang Marcos!”

May panukala ang tulang “Kuryente” hinggil sa muling hindi makatwirang pagtataas ng Meralco sa singil ng kuteyente, sa pamamagitan ng mga linyang “Di baleng sinaing natin ay magtutong/ Poste’t electric bills ang gawing panggatong!

Makikita naman sa “Pinangos na Tubo” ang kutsabahan ng gobyerno ni Arroyo, ng Department of Labor and Employment (Pat Sto. Tomas), at ng mga Cojuangco-Aquino (Noynoy at Cory) ang pagtatakip sa malagim na sinapit ng 14 na manggagawang bukid sa Hacienda Luisita massacre.

Epekto ng globalisasyon sa mga maggugulay sa Benguet ang paksa ng “Gulayisasyon.” Isang simpleng pagpapaliwanag kung paanong ang isang tila kumplikadong konsepto ay naipapaliwanag gamit ang imahen ng mga gulay.

“Nakatagong taba” ang pork barrel sa “Taba ng Baboy,” at ang masisteng payo ng tula ay “Maging ang Pangulo ay dapat maglahad/ ng lahat ng pondong siya ang may hawak./ Ipaliposuction ang budget ng bansa/ Kung gustong lusawin ang lahat ng taba.”

Sa “Palasyo’y Tahimik” inilahad ang malaganap na extrajudicial killings sa panahon ni Macapagal-Arroyo at sinabi nitong sa pagtatanong ng oposisyon sa mga pagpaslang, “Walang sumasagot sa pukol na tanong;/ Palasyo’y tahimik, hindi tumutugon./ Sa hindi pag-imik, para nang inamin/ ang terosrismo’y doon nanggagaling.

Ilan lang ito sa mga mga tulang nasa kolekisyon at tiyak na hindi mabibigo sa kasiningan at talas ng nilalaman ang sinumang babasa sa halos 200 tula pa na nasa Usapang Kanto ni Koyang Jess Santiago.

Mga tulang lumilikha ng makata

$
0
0

Sa panahong tumitindi ang pag-atake sa mga kritikal at progresibo hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo, tiyak lalo pang tumataas ang interes ng kabataan sa mga tinig na pilit pinatatahimik. Dumarami ang gustong unawain ang mga radikal na alternatibo. Kaya kahit mag-iisang taon na ngayong Mayo 2019 mula nang ilabas ng High Chair ang Pag-aaral sa Oras: Mga Lumang Tula Tungkol sa Bago ni Kerima Lorena Tariman, bago pa rin ito. Kahit may dalawang dekada na ang nakalipas nang isulat ang mga tula, mahirap itong maluma dahil pagbabago mismo, rebolusyon ang paksa nito.

Naglalaman ng ilampung orihinal na tula ang koleksiyon na nahahati sa mga seksiyong “Multo,” mga tula sa lungsod; at “Mutya,” mga tula sa kanayunan. Mayroon ding ikatlong naglalaman naman ng “Mga Salin.”

Makapangyarihan na sa kanilang sarili ang mga tula (ang ilan ay nauna nang nailimbag) subalit sa pagkakatipon ng mga ito sa isang koleksiyon, ito’y nagiging isang mas makapangyarihan pang paglalakbay. Naglalahad ito ng kuwento ng transpormasyon ng kamulatan at praktika ng isang estudyanteng tagalungsod na sa huli’y magpapasyang lumahok sa rebolusyon sa kanayunan. Malamang maraming kabataang naghahanap ng kanilang papel sa lipunan ang makikita ang kanilang sarili sa mga tula sa koleksiyon. Kundiman, makatutulong itong magpaliwanag kung bakit pinipili ng iba ang ganitong “pagbabahagi ng sarili sa sambayanan” (mula sa “Pag-aari ko ang ang aking Sarili”).

Kagaya ng mga rebolusyon, kritikal at mapanlikha ang mga tula ni Tariman. Sa isang banda’y binabasag ang mga pinagpipitagan at establisadong institusyon gaya ng pormal na edukasyon, mataas na sining/panitikan, at tradisyunal na pamilya; sa kabila’y itinataguyod ang alternatibo at bagong pagkatuto at pagtuturo, bagong panitikan at sining, at bagong pamilya at pag-ibig. Kinikritika ang pagmamataas ng mga lumang institusyon para bigyang-pugay ang karunungan ng maralita.

Sa tulang “Serye ng Sobresaliente,” ipinagtapat ang edukasyong pangkolehiyo sa panunulisan:

Wala akong diploma.
Naisip kong magpapeke
Sa Recto-Avenida
Ngunit ginawa kong magpatunay
Sa pasya ng Kabesa.

Sa pamamagitan naman ng mga simpleng tugma at mga kongkretong imahe, dalubhasang naisasakapsula sa mga tulang “Aralin sa Ekonomyang Pampulitika,” “Muni-muni ng Mandirigma,” “Pag-aaral sa Oras,” “Natural,” at “Kalikasan/Lipunan,” ang mga komplikadong Marxistang konsepto ng batas ng halaga, diyalektika, materyalismo, pagpuna at pagpuna-sa-sarili, digmang bayan, at tunggalian ng uri. Pagpapatotoo itong maaari ring matuto at magturo sa mga “alapaw” (maliliit na kubo), kaklase ang mga magsasaka.

Habang may mga tula ng pag-ibig para sa indibidwal, sa Bikolanong tulang “Paglaum” ay ipinanguna ang pag-ibig para sa rebolusyon:

Kaya hindi na ako umaasa
Na matatawag kitang “asawa,”

Ang hiling ko lang:

Ang lagi ka lamang
tawaging “kasama.”

Samantalang ang natatanging tula ng ina (“kuliglig”) ay isa ring tula ng “pagtanggi sa pagiging maternal” (mula sa “Kuwatro Kantos”). 

Tampok din ang relasyon ng kalagayang obhetibo at elementong suhetibo, parehong salik sa mga rebolusyon. Malinaw ang mga imahen ng materyal na realidad ng kahirapan pareho sa lunsod at kanayunan. Sa seksiyong “Mutya,” isinalarawan ang pagragasa ng “kalamidad ng malapyudalismo” at “operasyon ng mga asong ulol” (mula sa “Dalawang Tula”) sa mga “lugar na nakaligtaan ng oras” (mula sa “Taisan”).

Kasabay nito, binibigyang-diin ang usapin ng pagkamulat at pagpili. Ipinupuntong ang pakikibaka ay hindi sapilitan, bulag, o desperadong tulak – isa itong mahaba, hindi basta-basta, at paulit-ulit na pagpapasya. Ang tulang “Mutya” ay tula ng pag-ibig para sa pagtangang ito:

Ang aking mutya ay ang pasya ng bawat api,
Na tanganan ang kapalaran at palayain ang uri!

Mapaglaro rin sa wika at porma ang mga tula. Ang pag-unlad ng kamulatan ng persona ay nasasalamin sa pagbabago sa bokabularyo mula sa seksyong “Multo” tungo sa “Mutya.” Mapapansin ito halimbawa sa unti-unting paggamit sa wikang Bikalano at Ilokano habang nagbabago ang mga tagpuan mula “Cubao” at “Quiapo” tungong “Lambak Cagayan” at “Ragay Golpo.” Gayundin, ang paminsang paglalaro sa pagkasalansan ng mga salita sa pahina, na makikita sa mga unang tula (“bugtong,” “hungkag,” “Gusali,” “Kasalo”), ay mapapalitan sa ikalawang seksyon ng mga simple at kumportableng tugmaan. Nilipat ang diin mula sa biswalidad tungo sa katangiang oral ng tula. Tugma ito sa temang pagtungo sa kanayunan, kung saan mas kaunti ang may kasanayang magbasa.

Sa pagtatampok sa mga makatang mula sa iba’t ibang panahon, rehiyon, at bayan, tila ipinaaalala naman sa seksiyong “Mga Salin” ang katangiang inter-henerasyunal, inter-rehiyunal, at internasyunal ng rebolusyon.

Sa huli, tapat ang koleksiyon sa panatang “tula ang siyang dapat na lumikha sa makata” (mula sa “introduksyon”). Sa paglalahad mismo sa masalimuot na proseso ng pagkalikha sa isang makata, gamit ang wikang pinakamauunawaan ng mga makata mismo – mga tula – nag-aambag ang koleksyon sa aktwal na paglikha hindi lang ng basta-bastang mga makata, kundi ng mga makatang, ayon sa tulang “Hukbo ng Maralita,” naghahangad:

Maging matigas
Sa pagkapit sa teorya at sa armas.

Giyera na bulag

$
0
0

“Dito sa gera na bulag, ano ba ang pangalan ko?/…wag mag-alala/pantaypantay lang pala/ dahil tulad mo berdugo mo hindi natin kilala.”

KOLATERAL. Ito ang pamagat ng pinakabagong rap/hiphop album, likha ng iba’t-ibang artista, na naglalantad ng kontra-mamamayan na katangian ng madugong giyera kontra-droga na ipinapatupad ng administrasyong Duterte. Halaw ang pamagat sa palasak na terminong “collateral damage” o mga ’di maiiwasang kaswalti/pagkasirang naidudulot sa mga sibilyan sa kondukta ng mga operasyon ng kapulisan o militar.

Inilabas ang naturang album nitong Hunyo 29, 2019, isang araw bago ang midterm ng panunungkulan ni Pangulong Duterte. Resulta ang album ng 2 taong mga pagsisikap nina BLKD at Calix katuwang ang kanilang mga kasama sa SANDATA, isang grupo na may adbokasiyang ituwid at labanan ang mga disimpormasyon at propagandang kaakibat ng giyera kontra droga ni Duterte. Masusi ang kanilang naging pananaliksik at pangangalap ng impormasyon sa pamamagitan ng pagsubaybay sa mga balita, pakikisalamuha sa mga kaanak ng mga mismong biktima at integrasyon sa mga maralitang komunidad na kalimita’y pangunahing sinasalanta ng mga operasyong kontra droga.

12 tracks ang taglay ng album. Bawat isa ay kolaborasyon ng iba’t-ibang rapper, mga mang-aawit at mga sound producer na mataimtim na nakaayon sa tema ng buong album.

Pambungad ang “Makinarya” na pinagtambalan ni BLKD at Calix. Itinatatakda nito ang tono ng buong album na nagsasalarawan sa extra judicial killings at giyera kontra droga bilang polisiya ng estado at kung paano nagsasabwatan ang 3 saray ng gobyerno para ipatupad ito.

Pinalalim naman ang usapin ng mapang-abuso sa karapatang tao na mga operasyon ng kapulisan, ang modus ng mga berdugo sa pamamaslang at ang pasismo ng estado sa “Boy”, “Giyera na Bulag”, “Pagsusuma”, “Neo-Manila”, at “Parasitikong Abusado” na umaayon sa punto-de-bista ng mga maralitang lungsod na kumahakaharap sa mga ito.

Tinatalakay din ng album ang kahirapan, bilang isa sa mga pundamental na ugat ng suliranin sa droga, at iba pang kakabit nitong panlipunang isyu tulad ng forced migration (“Distansya”), kawalan ng hustisya para sa maralita (“Hawak”), at ang kawalan ng disenteng trabaho at tiyak na paninirahan (“Papag”).

Paglaban naman ang tema ng “Walang Maiiwan” at “Stand By” na may paghimok sa maralitang lungsod para baguhin ang mapang-aping sistema na umiiral.

“Sandata” ang finale ng buong album. Dito ipinakita nina Calix, BLKD, Lanzeta, Kiyo, Muro Ami, Promote Violence at Pure Mind Quiet Heart ang makatwirang galit sa administrasyong Duterte.

Sa kabuuan, isang magaling na obra ang KOLATERAL. Naipamalas ng bawat artista ang kanilang matatalas na tugma laban sa giyera kontra droga at mga kaakibat nitong usapin. Nararapat din banggitin ang mahusay na paglalatag ni Calix at Serena DC ng tunog sa buong album—sakto sa bagsakan ng mga berso, transition at pagbabago ng tiyempo at modyulasyon ng mga beat.

Maihahalintulad ang album sa militanteng tradisyon ng rap/hiphop na ipinakita ni 2Pac, Kendrick Lamar, Immortal Technique, at ng Beastie Boys, King Blues, Rage Against The Machine, Public Enemy, NWA at marami pang iba.

Kailangan bigyan ng kredito si BLKD at Calix sa kanilang pagsisikap upang ipalaganap ang progresibong pananaw at ang pakikipag-alyado, kung hindi man pagmumulat, sa mga kapwa nilang nasa eksena ng rap at hiphop at mga tagasunod nito. Sa harap ng nangingibabaw na kultura ng indibidwalismo, gangsterismo, machismo at seksismo sa eksenang rap at hiphop, ang KOLATERAL ay isang pamabasag. Mahahanay ang album sa mga pagsisikap ni Francis M., Gloc-9 at iba pa upang ilapat sa rap/hiphop ang mga sosyo-politikal na mga usapin at ang pagiging makabayan. Isang kahihiyan kung hindi kikilalin ang KOLATERAL bilang isa sa mga pinakamagaling na rap/hiphop album sa kasaysayan ng eksena.

Inilalatag na ng KOLATERAL ang batayan ng paglaban sa giyera kontra droga, pasismo at tiranya ng administrasyong Duterte: “Pasistang rehimen, buwagin!/Pababain ang mga nakaupong ulupong, patumbahin!/Ang sistema na bulok gigibain!/Sistema na bulok gigibain!”

Nasa mga tagapakinig na kung ano na ang susunod na dapat gawin.

Mabini, marubdob

$
0
0

Ito ang pagtatanghal na kailangan sa ating panahon.

Una naming pinanuod ang Mabining Mandirigma, steampunk musical ng Tanghalang Pilipino, noong 2015. Sa pagtatanghal na ito, si Delphine Buencamino ang gumanap sa pangunahing karakter, ang bayani ng unang rebolusyong Pilipino na si Apolinario Mabini. Nakamamangha si Delphine (pati na rin si Arman Ferrer at ang buong cast). Makabagbag-damdamin at napapanahon ang kuwento, at mahusay ang pagkakalikha ng entablado at mga kanta. Sa pagkakagamit ng temang steampunk* lang ako naguluhan.

Ganoon pa man, nauukol pag- usapan at matanghal ang ganitong teatro. Nakapupukaw rin naman ito ng damdamin. Dahil dito, pinalakpakan namin ang produksiyon.

Itong ika-apat na pagtatanghal ng Mabining Mandirigma naman ang nagpadama sa akin ng pagdako at pagsisiwalat. Sa pangunguna ni Monique Wilson bilang bagong Mabini at pagbabalik ni Ferrer bilang Emilio Aguinaldo, para bang lalong nanggagalaiti, nagdidiin ang pagtatanghal. Mas may dating ang katatawanan at mas nakapangingilabot ang drama at trahedya. Kahit pa ang steampunk, nadama ko na ang pagkakaakma.

Marahil dahil sa panahon ngayon, sa kasalukuyang pasistang rehimen at dala nitong kaliwa’t kanang kataksilan, kaya mas marubdob, hindi lang ang pagtatanghal, kung hindi pati ang aming panonood.

Nang magmakaawa si Mabini kay Aguinaldo na huwag bumigay sa panunulsol ng mga ilustrado at imperyalista, dama ng mga manunuod ang bigat ng pagkabigo tulad noong sunod-sunod mabaon sa kabiguan ang pangako ng mga nagdaang pangulo.

Nang dumanak ang dugo ni Antonio Luna sa entablado, naramdaman namin ang pighati, tapos galit, tulad noong isa-isang nakawin ng mga pasista ang buhay at kinabukasan ng mga martir ng Batangas, Bicol, Negros at Mindanao. At nang nakabalik si Mabini sa isang Pilipinas kung saan sumisibol muli ang pagkamakabayan, naramdaman namin ang pag-asang tangan ng mga aktibista at rebolusyonaryo na nagpapatuloy sa kabila ng panganib, pangungutya ng trolls, at iba pang hamon.

Pinakita ng lahat ng ito na kailangan natin ng ganitong pagtatanghal, ng ganitong sining, upang maramdaman ang lalong nag-aalab na mga damdamin, ang galit, ang pagpupumiglas sa pagkatalo at paghihikahos. Sa dilim ng CCP Little Theater, nagsalitan ang pag-iyak, pagtawa, at indignasyon. At sa gawi ng mga militanteng pagtatanghal tulad nito, dala-dala namin ang galit (at pag-asa) sa pagbalik namin sa buhay (at laban) sa labas ng tanghalan. Gagamitin namin ang galit, panghahawakan namin ang pag-asa, at magpapatuloy sa pagkilos.

*Isang genre ng science fiction na may setting sa nakaraang siglo o panahon at kinatatampukan ng mga imahen ng pagsisimula ng rebolusyong industriyal. Isipin na lang ang damitan sa Van Helsing at kung ano-anong makinarya na nakalapat sa konteksto ng Pilipinas noong pananakop ng Espanyol.

Salin mula sa Ingles ni Jobelle Adan
Featured image: Tanghalang Pilipino/@Kventurillo

Katotohanan sa Katsuri

$
0
0

Kapano-panood ang Katsuri. Nagsisimula ang palabas sa himig ng isang gitarang sumusunod sa matamis na areglo ng “Ili-ili,” isang heleng Ilonggo. Sa pagtatapos nito, biglang katahimakan na nagbabadya ng bagyo.

Halaw sa Of Mice and Men, nobela ni John Steinbeck, dinadala tayo ng likhang panteatro ni Bibeth Orteza sa kaguluhan ng mga puso’t isip nagtutunggali upang pilit maalpasan ang pagkaalipin na pumipigil sa paglaya at pagtupad ng mga pangarap.

Pinapakita ng pagsulat ni Orteza at sa pangangasiwa ni direk Carlitos Siguion-Reyna—liban sa nanggagalit na pamimilosopo—na pulitikal ang personal.

Sa kuwentong migrante ni Steinbeck, dadalhin si George at Lennie (Toto rito) sa isang asyenda sa Negros. Doon, patung-patong na pang-aalipin ang tutulak sa kasuklam-suklam pero makabubuhay na gawain; nakadepende ang kaligtasan sa pagpapapasan sa mas nakababa pang mortal o panggugulpi sa mga tagapagdala ng nakaabalang katotohanan.

Sa kabila ng karahasan, may kamusmusang namamalagi.

Hindi iiwan ng matalas mag-isip na si George ang dambuhalang si Lennie, isang nag-aastang bata na hindi nakakapagpigil ng kilos. Ginagamit pa nga ni Payat na tagapagprotekta ng sakada ang kakaunting mayroon siya para depensahan ang mas bulnerableng mga miyembro ng komunidad.

Di matapatan ng pait sa puso ni Nognog, dala ng pagiging pinakamaliit sa mga kadusta-dusta, ang imahe ng Paraiso ni Lennie. Natagpuan naman ni Tatang sa dalawang bagong dating sa sakada ang pamilyang noon pa hinahanap-hanap.

Angat ang mga idinagdag na detalye ni Orteza, tulad ng eksenang tumatanaw sa pinaslang na makamasang abogado na si Benjamin Ramos. Ang pangalang Toto naman ay galing kay Toto Patigas, konsehal ng Bayan Muna sa Escalante at tagapayo sana sa dula kung hindi pinaslang ng di pa nakikilalang salarin.

Lumikha rin siya ng matatapang na babaing karakter na halos wala sa orihinal na kuwento ni Steinbeck. Si Inday, ang mag-uudyok sa trahedya, ay hindi na lang pulpol na isteryotipo (hindi na nag-abala pa ang orihinal na awtor na tumanggap ng Nobel Prize for Literature na bigyan ng pangalan ang karakter na simbolo lang ng panganib).

Pirmi mang bahagi ng social-realist genre ang dula, may gaan ang kwento sa pagkakalikha ni Orteza. Dito niya pinapakita ang kakayahan ng pinong pagpapakatwa na pagtagpuin ang iba’t ibang mukha ng pagkapanatiko at pagkiling.

Nagsisilbing liwanag sa dilim ang mga linyang maaaring isantabi; sa tono ng paawit na Ilonggo, nabubuo ang pang-araw-araw na buhay ng mga karakter at siya na ngang bumibighani sa manonood na kahit pa alam na ang kahihinatnan ng kuwento, hindi pa rin maiiwasang mahatak sa lubid ng trahedya.

Muli namang pinapatunayan ni Carlitos ang kanyang kakayahan bilang direktor na mahusay sa mga aktor (actor’s director) sa unang dula para sa Tanghalang Pilipino, ang kompanyang panteatro ng Cultural Center of the Philippines.

Mahusay ang pagtatanghal ng lahat ng karakter: Hindi nakababagot na kontrabida ang Boss ni Michael Williams, sa unang TP role matapos ang halos tatlong dekada ng pagtatanghal ng mga musical at dula sa Ingles. Si Fitz Bana bilang Curley ang may karakter na pinakamalapit sa karikatura; hindi na yata iyon maiiwasan. Si Annette Go naman bilang Inday, asawa ni Fitz, ay hindi lang basta hampaslupa. Sa huling mahiwagang pag-uusap nila ni Lennie, dinala ang mga manonood sa lugar ng pagkabulnerable.

Sa mga mata naman ni Ybes Bagadiong nag-uumapaw at nagtutunggali ang pag-asa, takot, at galit ng isang taong maraming beses na nabigo. Liwanag ni Lennie ang tumutulong sa kanyang gumising mula sa galit na paghimbing.

Tama naman ang timpla ng pangungutya at pagkahabag ng matapang na si Carling, ginagampanan ni Lhorvie Nuevo, habang iniladlad niya ang nakapanghahatak na tawag ng kamatayan. Inilathala naman ni Nanding Josef ang karakter ni Tatang nang may mapagpigil na postura pero hindi nawawalan ng uhaw para sa isang dakilang pakikipagsapalaran at paglalakbay.

Sa tamang tiyempo naman ng pagpapakatwa ni Marco Viaña lalong tumitingkad ang kaibahan ng maalab niyang pag-ibig kay Lennie at pagkabagabag ng isang tagapagtanggol na gising sa masalimuot na realidad na hindi laging umaayon sa mga plano at pangarap.

Si JV Ibasate naman bilang Payat ang mamang nagpupumilit kumapit sa katinuan habang humahampas ang mainit na hangin ng tiempo muerto (patay na panahon para sa sugarlandia, walang ibang magagawa kung hindi manalangin para sa ulan) at nagdadala ng tigkiriwi, ang sakit sa katawan, kasukasuhan, at kaisipan na sumasabay sa matinding kagutuman.

May isang maikling eksena sa pagitan ni Viaña at Ibasate na hindi ako iiwan ilang oras makalipas ang dula. Sa pagkahubad ng palalong pag-asa at paglisan sa bisig ng pangangatwiran, walang sinayang na oras ang dalawang lalaki sa pagtanggap ng kanilang kapalaran. Kita sa mukha nila, habang lumilisan ang pighati para palitan ng kahungkagan, ang mapa ng isang bangungot na hindi sila iiwan habambuhay.

Pero nakasandig ang dula sa malalapad na balikat ni Jonathan “Tad” Tadioan, siyang hindi pumapayag na magpatihulog sa kalungkutan si Lennie o maaliw ang manunuod sa paglait na madalas nagbabalat-pakikiramay. Ibang lebel ng sining teknikal sa napakapisikal na pagtatanghal na ito. Mayroong kariktan sa bawat pagkilos ni Tadioan, sa gitna man ng tutok na pakikipagtalastasan ni Lennie na hindi masabayan ng pag-iisip ni George, o sa tuwing ang walang kamalay-malay niyang pag-ibig at biglaang pagkilos ang siyang nag-uudyok sa kanyang pamiminsala.

(Sinalin mula sa Ingles ni Jobelle Adan)

Maaaring mapanood ang Katsuri hanggang Oktubre 27 sa CCP Tanghalang Huseng Batute.

Hangganan ng pakikipagkapwa

$
0
0

Sa wakas hindi na kailangang maghanap ng bootlegs para makapanood ng orihinal na produkisyong panteatrong Pinoy ngayong panahon ng lockdown. Ano man ang masasabi natin sa estado ng teatro at sining sa bansa, ano man ang puna natin sa labis na komersiyal na oryentasyon ng marami sa mga produksiyon ngayon, kapuri-puri ang ginagawang pag-upload ng iba’t ibang grupong panteatro ng mga video recording ng nakaraang mga produksiyon ng mga ito. Kung sino man nagpasimula nito (si Andrew Lloyd Webber yata) ngayong lockdown, maraming salamat.

Siyempre, kailangang sabihin: ibang iba ang karanasan ng panonood ng live theater sa panonood ng recording nito sa telebisyon o gaheto natin. Hindi ito kapalit ng panonood sa teatro. Pero kailan pa uli tayo makakabalik sa mga teatro? Kailan pa uli tayo aktuwal na magkikita at magtitipon para kolektibong maranasan ang isang pagtatanghal? Kung may mga nanood sa YouTube ng video recording ng mga pagtatanghal na ito at nagkainteres sa teatro, malaking tagumpay na ito sa sining at sa hangarin nating mas demokratikong akses at pagtangkilik sa teatro. Hindi na masama.

Hindi na masama na binigyan ng Resorts World at mga prodyuser nito ang masang netizens ng dalawang buong araw para mapanood ang Ang Huling El Bimbo, isang jukebox musical gamit ang musika ng ikonikong bandang Eraserheads noong 2019. Bagamat tinanggal na nila ang bidyo sa YouTube, tiyak na may nakapag-download na nito at lalabas at lalabas ang bidyong ito sa iba-ibang account. Malamang, malay sila sa katotohanang anumang content na lumabas sa Internet, kahit pa burahin ito ng orihinal na nag-upload, ay habampanahon nang nasa Internet.

Samantala, lalong hindi masama ang nauna nang pag-upload ng Dulaang UP sa mga bidyo ng ilang produksiyong panteatro sa naturang pamantasan. Kasama na rito ang pag-upload noong unang buwan pa lang ng lockdown ng bidyo ng The Kundiman Party na dula ni Floy Quintos at tinanghal ng UP Playwrights’ Theater. Nasa YouTube pa rin hanggang ngayon ang bidyong ito, kasama ang bidyo ng iba pang produksiyon.

Isang seksiyon ng populasyong Pinoy na naka-kuwarantina ngayon ang odyens ng mga bidyo na ito: ang mga mamamayang may akses sa Internet at may sapat na interes rito para manood ng halos tatlong oras na bidyo. Sabihin na nating karamihan dito, iyung tinatawag na middle class: may nasubing ipon o regular pa ring sahod para mairaos ang lockdown, at nagsusunog ng oras ngayon sa panonood ng Netflix o YouTube, naglalaro ng Mobile Legends o iba pang laro. Pana-panahon, nagg-aangas sa Facebook o Twitter hinggil sa estado ng bansa. Badtrip sa kalagayan natin ngayon. Madalas, sukdulang galit kay Duterte, nag-ambag pa sa pagpapa-trend ng #OustDuterte sa Twitter. Pa-woke, sabi nga.

* * *

Eskaktong sila rin ang sabdyek ng istorya ng Ang Huling El Bimbo (AHEB). Tatlong estudyante ng State U sina Hector, Anthony (AJ) at Emman, noong dekada ’90, Naging roommates sa isang dormitoryo sa eskuwela (hindi po double deck ang mga kama sa Kalayaan, ha), nasabak sa ROTC, kumain at tumambay sa mga lutong bahay sa Area 2, nakilala at nakaibigan ang isang kaedad na OSY (out of school youth) na si Joy. Nakaranas ng isang malagim na pangyayari ang apat, na nagbago sa landas ng buhay ng isa’t isa.

Inilahad ang kuwento, sa isang bahagi, sa pamamagitan ng mga kanta ng Eraserheads. Sa kabuuan, sa palagay ng manunulat, nagtagumpay ang dula sa pagbabalanse ng tungkuling gamitin ang repertoire ng pinakasikat na bandang Pinoy (tiyak, may komersiyal na tulak ito) at mapaglingkod ang mga kanta sa pag-abante ng kuwento. Natural na ang puwesto ng mga kantang “Tindahan ni Aling Nena,” “Toyang,” “Waiting for the Bus,” at siyempre, “Minsan”, sa tema ng puppy love at nagsisimulang pagkakaibigan ng tatlong estudyante sa kolehiyo – ganito rin naman kasi ang tema ng marami sa naunang mga kanta ng banda. Pati ang pagkamuhi ng Eraserheads sa ROTC at pormal na awtoridad (ang tanging rebelyon o aktibismo na hayagang tinindigan nila), may natural na puwesto sa kuwento ng mga kabataang nagrerebelde sa “andaming bawal sa mundo” (“Alapaap”). At dahil nasa State U, naisip marahil ng mga lumikha na hindi maaaring walang imahen o bahid ng aktibismo ang dula, kahit pa manipis o mababaw lang ito. “Edukasyon para sa lahat” ang plakard sa gitna ng numero ng mga kadete ng ROTC Mababaw na aktibista lang si Emman, pinagsasabay ang “pag-ibig sa bayan” at “pag-ibig kay Mylene” at maraming puna sa “kilusan” na “hindi maintindihan” ng masa.

Samantala, naging motifs sa iba’t ibang acts ng dula ang ilang kanta, tulad ng “Ang Huling El Bimbo,” “Alapaap,” “With A Smile,””Ligaya,” “Tikman/Bogsi Hokbu” (nilapatan ng swing/Latin beat na bersiyon ng napakahusay na pinangunahan ni Sheila Francisco). May ding nagawan naman ng paraan na maisingit. Naging ekspresyong “surely” si Shirley (kinanta rin ng napakahusay na si Francisco), habang naging kanta para sa pagiging bakla ni AJ ang dating “Hey Jay”. Meron din namang naipilit at pinanatili na lang ang lyrics kahit kaiba sa daloy ng kuwento: Hindi tagahugas ng pinggan ang drug runner/bagwoman na karakter (huwag nang pangalanan para walang spoiler), at mukhang hindi naman siya nasagasaan sa madilim na eskinita.

* * *

Pinag-uusapan sa ilang social media posts ang pihit ng kuwento ng AHEB tungo sa mas madilim na mga tema ng pagkawala ng pagkabata, pandarahas sa kababaihan, korupsiyon at paggamit ng droga sa Act 3. Sa katulad na yugto ng karera ng Eraserheads, tila nabawasan ang “earnestness” (sabihin na nating positibong pananaw o “ligaya”) sa mga kanta nila. Pumalit dito ang irony at sinismo sa mga kantang katulad ng “Spoliarium,” “Balikbayan Box,” at iba pa.

Sa karera ng Eraserheads, tila kinatawan ng State U ang yugto ng rebelyon at kawalang pakialam ng kanilang pagkabata. Alam ng lahat ng nakapag-aral at tumagal sa kampus sa Diliman na payapa at maligayang lugar ito, lalo na noong dekada ’90. Pagtanda nila, o papalayo nang papalayo sa aktuwal at metaporikal na lugar ng Diliman, tila padilim nang padilim ang mundo. Isinalamin ito sa dula. Pagkatapos ng isang nakakagulat na pangyayari na biglang nagpatigil sa masaya at walang-muwang na buhay ng tatlong lalaking karakter at lalo na ni Joy, unti-unting nagbago ang lahat. “Dumilim ang paligid,” bungad ni Joy, sa pagkanta ng “Spoliarium”. “Puwede bang itigil muna, ang pag-ikot ng mundo.”

Pero nagpatuloy ang pag-ikot ng mundo ni Joy, hanggang tumungo sa malungkot na kinahinatnan niya. Sinikap niyang magkaroon ng agency o kontrol sa kanyang mundo: itinigil ang pagpuputa matapos magkaanak, at nagtangkang putulin ang ugnayan sa pulitikong druglord na si Banlaoi (na malayo na sa persona ni Punk Zappa sa album na Circus). Pero tulad ng maraming biktima, ng pandarahas sa kababaihan, ng prostitusyon, ng nakakalulong na droga, hindi sapat ang indibidwal para makawala rito. Hinanap ni Joy ang solidarity ng tatlong dating kaibigan, pero nabigo siya rito. Ang trahedya niya, hindi trahedya ng kawalan ng agency kundi trahedyang likas na iniluluwal ng sistemang pampulitika at pang-ekonomiya. Ang trahedya niya, iniluluwal ng katayuan niya bilang babae, bilang maralita.

Maraming kahinaan si Joy, at isa na rito ang madaling mahulog sa pantasya ng pag-ibig, hindi lang sa lalaki, kundi sa posibilidad ng upward mobility na kinatawan nina Hector, Emman at Anthony.

Sa kabila nito, hindi natin puwedeng sisihin ang biktima sa trahedyang ipinataw o ipinilit sa kanya. Sa kabilang banda, puwedeng puwede nating sisihin dito ang tatlong lalaki – silang sumumpa sa hangaring magiging mabuting kaibigan, sumumpa pang mabubuhay sa diwa ng kalayaan. Hindi sila kaiba sa mga miyembro ng panggitnang uri na nagsasabing mahal nila ang kapwa, sumusumpa sa panata ng kalayaan at demokrasya, pero umaatras, bumabaligtad o umiiwas sa responsabilidad tuwing ginigipit na ng sitwasyon o nahaharap sa estado ng kagipitan.

Sa madaling salita, isang mapait na leksiyon ng pagkamakasarili ng petiburgesya, ng limitasyon ng pakikipagkapwa sa maralita ng panggitnang uri ang “Ang Huling El Bimbo”. Nakakagulat ito, dahil panggitnang uri ang pangunahing odyens nito sa Resorts World, at kahit sa YouTube. Sa buod ng isang jukebox musical na ito ang isang malutong na mura (kasinlutong ng “tangina” sa “Pare Ko”) sa walang gulugod na panggitnang uri.

* * *

Hindi nakakapagtaka na direktor si Dexter Santos kapwa ng AHEB at “The Kundiman Party” (TKP), na nagkaroon din ng huling theatrical run noong nakaraang taon at naka-upload din ang bidyo sa YouTube. Kasama rin ni Santos na sangkot sa dalawang proyekto ang mandudulang si Floy Quintos (manunulat ng TKP at dramaturg ng AHEB). Sa unang tingin, halos walang pagkakapareho ang dalawang dula. Pero kung pag-iisipan, makikita ang pagkakatulad ng dalawa sa tema.

Parehong komentaryo ang dalawang dula sa kabalintunaan ng kulturang “woke” o pakikilahok at pakikipagkapwa ng mga nasa gitnang uri sa malawak na masang inaapi ng sistema at naghaharing rehimen. Nakasentro ang kuwento ng TKP sa karakter ni Maestra Adela (Shamaine Buencamino), matanda at retiradong pang-aawit ng Kundiman, at kasamahan sa bahay na tatlong “titas of Manila” na sina Mitch (Jenny Jamora), Helen (Stella Canete-Mendoza) at Mayen (Frances Makil-Ignacio). Nagsimula ang kuwento sa pagdating ng binatang aktibista na si Bobby sa tahanan niya. Kasintahan din ng apo niyang si Antoinette ang binata. Kinapanayam ni Bobby ang Maestra hinggil sa nakaraan ng huli bilang mang-aawit sa mga rali noong panahon ng naunang diktadura. Walang alam ang Maestra na ia-upload ni Bobby (Boo Gabunada) ang bidyo ng panayam. Naging viral ito – at nagbukas ng oportunidad para sa muling pakikisangkot niya sa kilusan para sa pagbabagong panlipunan.

Hindi istriktong musical ang TKP, pero marami itong musical numbers – mga kantang Kundiman na tinugtog ng mataray na piyanistang si Ludwig (Gabriel Paguirigan), at inawit ng apprentice ng Maestra, ang apo niyang si Anoinette (Miah Canton), gayundin ng dating estudyante at mahaderang soprano singer na si Melissa (Rica Nepomuceno). Di kailangang sabihin, pero napakahusay ng musical numbers na ito, lalo na noong ginamit na ni Maestra ang entablado sa social media para itanghal ang Kundiman bilang porma ng protesta sa kasalukuyang pasistang rehimen. “May isang request lang ako sa mga nagrarali,” sabi ni Maestra sa isa sa viral videos niya. Tantanan na raw ang pagkanta ng nakakasawang “Bayan Ko.” Marami pang ibang makabayang kanta na puwedeng awitin.

Bukod dito, kahanga-hanga ang mahabang mga balitaktakan nina Maestra, ng mga tita, at ni Bobby, hinggil sa pakikisangkot ng isang alagad ng sining at ng isang miyembro ng panggitnang uri, sa makabayang kilusan. Pero lingid sa kaalaman nila, isang mahalagang leksiyon ang mga balitaktakang ito sa limitasyon ng pakikisangkot ng kanilang uri. Kahit sa social media, kung saan sumikat na ang Maestra, virtual o walang aktuwal na pisikal na pakikisangkot na kailangan. Umaabot ng daandaanlibo ang nakikinig sa kanya. Pero nakikinig ba talaga sila sa mga mensahe niya? Gaano kaepektibo ang ganitong paglahok niya?

Sangandaan sa pakikisangkot at pakikipagkapwa ng mga karakter ang aktuwal na pagdumog ng “trolls” o mga tagasuporta ng rehimen na nagsagawa ng riot sa labas ng bahay ng Maestra. Ginulpi ng mga ito si Ludwig – sa paraang maaalala ang sinapit ng progresibong musikero sa Chile na si Victor Jara.

Sa huli, napag-alamang anak ng isang senador si Bobby. Pinapili siya nito: bumalik sa ama, o mamundok. “Huwag itong ginagawa mo,” sabi ng ama, patungkol sa pagtulong ni Bobby sa Maestra sa paggawa ng viral videos. Duda ang senador na ama kung epektibo ba talaga ang mga porma ng repormistang protesta tulad ng pagprotesta sa social media. Sa loob-loob niya, sinikal din si Bobby. Pero hindi niya kayang mamundok. Samantala, ipinagpatuloy na lang ng Maestra at mga tita ang nasimulang paggawa ng viral videos na kritikal sa giyera kontra droga at sa kasalukuyang rehimen.

Walang paghusga ang dula sa epektibidad ng reporma para mapabuti ang lipunan. Wala rin itong husga sa limitadong pakikipagkapwa ni Maestra. Pero malupit ang husga nito kay Bobby. Sa simula, si Bobby itong mapanghusga sa Maestra na atubiling makisangkot. Dogmatiko at kaduda-duda ang mga pamamaraan niya para mapuwersa ang Maestra na maging pulitikal. Pero nang masaksihan ang aktuwal na pandarahas ng Estado at banta sa uri, bumaligtad siya.

* * *

Wala namang sinasabi kapwa sa AHEB at TKP na masama na ang makipagkapwa. Maaalala ang scripted na chat nina Bea Alonzo at John Lloyd Cruz na nag-viral kamakailan. Tanong ni Bea: “Ako na ang tumulong, ako pa ang masama?” Sinagot siya ni Lloydie: Okey nga ang tumulong. Pero sapat ba ito? Paano kung wala na? Paano kung mawalan na ng panahon, rekurso o gana si Bea? Paano ba ang talagang pakikipagkapwa? Paano ba talagang nagbabago ng lipunan?

Sa gitna ng pandemyang coronavirus disease-2019 (Covid-19), ramdam natin ang pangangailangan ng pakikipagkapwa – sa anumang paraan at intensidad. Tatangkilikin ng mga maralitang nagugutom ang anumang tulong na iaabot sa kanila, mula mumunti at pansamantlaang pagkain, hanggang impormasyong makakatulong sa kanila, hanggang maliit na suporta sa kanilang pangangailangan sa kalusugan. Kita at ramdam ang pagkamapagbigay ng mga mas nakakaangat-sa-buhay na mga nasa panggitnang uri. Pero alam natin: may hangganan ito. Gumagawa rin ng mga hakbang ang mga nasa kapangyarihan para mawalan agad ng gana ang middle class na tumulong mga maralita: bawal ang solicitation nang walang paalam sa DSWD, bawal mamigay ng relief nang walang permiso ng LGU.

Hindi masamang tao si Bea, ang middle class, o sina Hector, Emman at Anthony, o si Maestra Adela. Pero hangga’t nananatili silang nakakulong sa hangganan ng interes ng kanilang uri, limitado at may hanggangn din ang pakikipagkapwa nila. Mananatili ang kalakarang mapang-api kina Joy. Kaya nga, bagamat hindi tatanggihan o mamasamain ni Tiya Dely ang alok na tulong ng tatlong lalaki, duda siguro siyang tatagal muli ang pakikipagkapwang ito.

Gayunman, bukas ang kuwento sa anumang posibilidad. Sapat na ba ang sakripisyo at trahedya ni Joy para talagang magbago ang tatlo? Mahihigitan pa ba ni Maestra ang pakikisangkot niya? Tayong mga manonood na ang magsasabi – at kikilos para gawing posible ang mga ito.

Ang pagbabalik ng heneral

$
0
0

Nasa dulo na ng kanyang buhay, sa edad na 79, may sakit na tuberkulosis, si Paciano Rizal.

Heneral ng rebolusyong Pilipino laban sa kolonyalismong Espanyol hangang sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano si Paciano. Pero sa atin, sa karamihang Pilipino na mapalad pa siyang makilala sa pag-aaral at sa mga pelikula, siya lang ang kapatid ni Jose Rizal. Siya ang nakatatandang lalaking kapatid na nagpaaral kay Pepe, nagmulat sa kanya sa brutal na pamumuno ng mga Espanyol, at naging masugid na tagasuporta ng Pambansang Bayani tungo sa landas ng pagsusulat, pagkakabayani, at pagkamartir.

Sa huling mga araw ni Paciano, bayani ng rebolusyong Pilipino, pinili niyang kausapin sa kanyang guni-guni ang mas bantog na bayaning kapatid. Marami siyang tanong. Ikinuwento niya ang maikling kasaysayan ng bansa matapos ang pagkamartir ni Pepe. Ibinuhos niya ang kanyang galit at pagkasiphayo sa guni-guning engkuwentro sa nakababatang kapatid. Bakit pinili mong magpakadalubhasa at magpakatalino, at mag-aral sa ibang bansa, na para bang may pinatutunayan ka sa mga Espanyol? Bakit kailangan pang ipakita na kayang tapatan ang talino at pagiging “sibilisado” ng mga dayuhang mananakop para masabing karapatdapat ang mga Pilipino na mapalaya? Bakit, sa kabila ng mga sakripisyo at pakikibaka, laging sawi ang mga Pilipino – sa mga Espanyol at Amerikanong mananakop, at sa lokal na mga naghaharing uri na taksil sa kapwa Pilipino? Bakit?

Maraming tanong si Paciano sa kanyang kapatid. Samantala, sa pagitan ng paghihinagpis ng Heneral, ipinapakita ang imahen ni Pepe. Siya rin, bagamat tahimik at tila nakikinig lang sa nakatatandang kapatid, napapaisip sa kanyang landas na tinahak. Binisita niya ang mga hardin, rebulto, at makasaysayang mga lugar ng kanyang pagkamartir sa Intramuros. Para saan ang mga ito? Sa huli, sa huling sandali ng monologo ni Paciano, nagpasya na ang guni-guning Jose Rizal: Kung buhay siya ngayon, kung buhay siya sa panahon ng pandemya, panahon ng panunupil at pagsasamantala, panahon ng pasismo ng rehimeng Duterte, kabahagi siya sa paglaban dito. Sa kabila ng mga restriksiyon – ng oras, ng pandemya – kalahok siya sa mga protesta.

Si Nanding Josef, bilang Heneral Paciano Rizal.

Ang maikling pelikulang Heneral Rizal, ginawa sa panahon ng pandemya, ng mga artista ng Tanghalang Pilipino, ay kathang-isip na monologo ni Paciano kay Pepe. Pagsisikap itong pag-ugnayin ang kahalagahan ng Pambansang Bayani sa kasalukuyang reyalidad, habang kinukuwestiyon ang ilang pinili ng landas niya at ng mga katulad niyang ilustrado. Sa monologong ito, malupit si Paciano sa kanyang kapatid. Galit siya, hindi niya mahinuha ang katwiran sa likod ng ilan sa mga desisyon at adbokasiya ni Pepe, lalo na ang repormistang pagtaguyod sa edukasyon at pagbibigay-dangal sa lahing Pilipino.

May karapatan tayo sa lupang tinubuan, ani Paciano, ano pa man ang ating antas ng pag-aaral at kasanayan. Kung maaga lang sanang napagtanto ito ni Pepe, marahil, iba sana ang naging landas ng lumang rebolusyong Pilipino: hindi nagsimula sa paggiit ng mga reporma sa kolonisador, kundi sa paggiit sa batayang mga karapatan ng mga Pilipino. Iniugnay ni Paciano ang orihinal na kasalanang ito ng mga repormista sa naging kolaborasyunismo ng sumunod na henerasyon ng mga ilustradong naging naghaharing uri na matapos mapatalsik ang mga Espanyol. Dahil nagkaroon na ng lugar sa mesa ng mga imperyalista, mabilis na tinalikuran ng mga ilustrado ang pangarap ng malayang bansa, at isinuko ang kabisera ng bansa sa bagong mga mananakop na Amerikano.

Iniugnay ni Paciano ang pagtataboy ng 300 magsasakang Pilipino sa Calamba, kabilang ang kanyang mga magulang, ng mga Espanyol mula sa kanilang mga lupain noong panahong nag-aaral sa Europa si Pepe, sa patuloy na kawalang-lupa ng mga magsasaka ngayon. Ikinalungkot niyang hindi na nakapagsalita si Pepe hinggil dito, hindi na naging bahagi sa paghahangad ng lupa para sa magsasaka, ng pagpapalaya ng maralitang magbubukid mula sa pagkaalipin sa ilalim ng piyudalismo.

Masidhi ang galit ni Paciano at marami siyang tanong. Pero ang maikling pelikula mismo, pero nagpakasapat sa galit at pagtatanong. Sa pamamagitan ng imahen ng guni-guning Pepe, dinirehe ang galit ng manonood tungo sa kasalukuyang paglaban sa pasismo sa panahon ng pandemya. Sinagot nito ang mga tanong ni Paciano sa pamamagitan ng pag-ugnay sa pagkabigo ng lumang rebolusyon sa nagpapatuloy na rebolusyong Pilipino – na humaharap sa kasalukuyang mukha ng kolaborasyon sa mga mananakop (mga Amerikano pa rin, at mga Tsino), at hitsura ng panunupil at pagsasamantala ng mga naghahari ngayon sa karamihang Pilipino.

Sa huli, inanunsiyo ng maikling pelikulang Heneral Rizal na “babalik ang heneral”. Mainam ito, kung ang plano’y palawigin pa ang ideya ng pelikula na pagsasalaysay ng kuwento ng tila-nakalimutang-bayani na si Paciano. Pero mas mainam kung ang ibig sabihin nito’y madidirehe na ni Paciano ang kanyang galit tungo sa kasalukuyang paglaban, at makikita ang sagot sa kanyang tanong sa kasalukuyang kilusan. Mainam din kung ang tinutukoy na Heneral Rizal sa dulo ay hindi na lang si Paciano, kundi ang Pambansang Bayani, na ipinapalagay na kung naitakas lang sana siya sa pagkakabilanggo noong naaresto sa Maynila, taong 1896, ay naging heneral na sana ng rebolusyong Pilipino.


Mapapanood ang Heneral Rizal sa YouTube, sa channel ng Tanghalang Pilipino, o sa URL na ito: https://www.youtube.com/watch?v=T1IEq3GlkR4

Viewing all 35 articles
Browse latest View live


<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>